WALA nang ipapataw na terminal fees ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa overseas Filipino workers (OFW) simula sa Marso 2017.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, nakausap na niya ang mga kinatawan ng international airlines hinggil dito.
Dahil sa nasabing pagbabago sa sistema ng pambansang paliparan, wala nang sisingilin na P550 terminal fee sa mga OFW.
Umaasa si Monreal na hindi magbabago ng isip ang airline companies hinggil sa naturang hakbang.
Kasalukuyang binabalangkas ng magkabilang panig ang “memorandum of agreement” upang maisapinal na ang pagpapatupad nito.
Sa ngayon, kailangan munang pumila ng ating mga kababayan sa mga airport terminal upang makakuha ng refund.
(GLORIA GALUNO)