BALITANG nag-usap-usap ang mga producer ng mga pelikulang hindi nakasama sa 2016 Metro Manila Film Festival at napagkasunduang ipalalabas na lang nila ang mga pelikula bago ang December 25.
At pagkatapos ng MMFF ay muling ipalalabas ang mga pelikula kapag certified hit dahil tiyak na marami pa rin ang hindi nakapanood ng mga pelikulang ito.
Pinagpipilian ang mga petsang Disyembre 7 at 14 para sa showing ng Mano Po 7 ng Regal Entertainment at ang The Super Parental Guardians ng Star Cinema naman ay sa Nobyembre 30 na.
Kaya pala biglang naglabas na ng official trailer ang Star Cinema ng pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin dahil ipe-preempt na nila ang Metro Manila Film Festival.
Sinabayan pa ng tweet ni Vice noong Linggo ng hapon na, “hindi puwedeng hindi ko kayo pasasayahin sa Kapaskuhan.Taon-taon may regalo akong pampasaya sa mga bata at sa pamilyang Filipino. Panata ‘yan! Very soon.”
Sabi ng source namin, “yes, ipalalabas na, hindi na kailangang patagalin pa, hinihintay ‘yan ng lahat. Sayang kasi kung next year pa, mawawalan ng saysay ang pelikula na intended for kids na napapanood nila tuwing December.”
Sa isang event ay narinig din naming pinagkukuwentuhan na malaking pagkakamali raw ng MMFF screening committee na binago nila ang tradisyong nakaugalian na ng lahat tuwing Disyembre 25 na magkakasama ang buong pamilya para manood ng mga pelikulang nagpapasaya sa mga bata.
Sabi ng mataray na journalist, “’yang mga napiling pelilkula, puro Indie ‘yan, mga walang pera naman ‘yan kaya tumigil na sila sa sinasabing in-educate nila ang tao. Ang pag-e-educate sa eskuwelahan ‘yan ginagawa, hindi sa pelikula!
“May sarili silang festival, ‘wag nilang sirain ang diwa ng Metro Manila Film Festival na nakasanayan na ng mga bata!”
FACT SHEET – Reggee Bonoan