NASAAN na ang tapang ng Kilusang Mayo Uno (KMU)?
Ito ba ang sinasabing militant labor group na ngayon ay mukhang bahag-ang-buntot sa kabila nang ginagawang panloloko at pambabastos sa kanila ni Labor Sec. Silvestre Bello III.
Ang linaw ng sinabi ni Bello kamakailan. Hindi niya kayang ipatigil ang contractualization o ENDO dahil baka mabangkarote ang mga negos-yo. Ano pa ang hinihintay ng KMU? Kailangang sagutin nila ito ng kilos-protesta, at hindi dapat palagpasin dahil ang pahayag ni Bello ay isang deklarasyon ng giyera.
Malinaw na malinaw na ngayon na si Bello ay kampi sa mga negosyante at hindi kailan man magiging maka-manggagawa. Hayagang panloloko ang ginagawa ni Bello sa mga manggagawa dahil pinaniwala niya sa simula ng kanyang panunungkulan na tututulan at wawakasan niya ang ENDO sa mga pagawaan.
Hindi dapat magpatumpik-tumpik pa ang KMU, kailangan maglunsad sila ng isang malawak na kilos-protesta kasama ang iba pang labor groups at palibutan ang gusali ng Labor Department.
Sa ganitong paraan, maipakikita ng KMU sa taumbayan na hindi kailangan si Bello bilang labor secretary.
At kung magtutuloy at magtatagumpay ang kanilang kilos-rotesta laban kay Bello malinaw na maipararating ng mga manggagawa ang kanilang mensahe kay Pangulong Rodrigo Duterte na dapat sibakin na niya si Bello sa DOLE.
Sinuway ni Bello ang kautusan ni Duterte na buwagin ang ENDO sa bansa.
Ang nakapagtataka rin, sa gitna ng kontro-bersiyal na pahayag ni Bello sa usapin ng ENDO, tahimik lang din si Labor Usec. Joel Maglunsod. Akala ko ba ay dating “neps” at lider ng KMU itong si Maglunsod? Hindi ba dapat ay mayroon siyang malinaw na posisyon sa isyu ng ENDO kahit boss pa niya si Bello?
Nilamon na rin ba ng sistema si Maglunsod?
Hindi dapat sayangin ng KMU ang pagkaka-taon na maipaglaban ang mga manggagawa sa usapin ng ENDO. Malapit ito sa kanilang bituka at ang salitang ENDO ay kasing kahulungan ng pagiging gahaman ng mga kapitalista.
Maraming mga manggagawa ang inalipin ng ENDO at sa pagkakataong ito maaaring mapagtagumpayan ang larangang ito kasama ang mga manggagawa na may poot sa kanilang dibdib dahil sa pagsasamantala ng mga negosyante.
Huwag na ninyong hintayin pang multuhin kayo ni Ka Lando Olalia kung hindi kayo kikilos at lalaban sa ginagawa ni Bello.
SIPAT – Mat Vicencio