BISI-BISIHAN na ulit sa paggawa ng pelikula si Rosanna Roces sa 2017 kaya kailangan niyang magpa-sexy o ibalik ang dating pigura.
Gagawa ng indie film si Osang na isasali sa 2017 Cinemalaya bukod pa sa pelikulang si Adolf Felix ang direktor.
Pagkukuwento ng aktres, “‘yung director ni Judy Ann Santos sa ‘Kusina’, siya rin ang magdidirehe ng movie ko. Ipinadala na ‘yung script at gustong-gusto ko, actually noon pa.”
Hindi naman daw totally nawala sa showbiz si Osang, “hindi ako talaga nawawala, pawang indie films lang ginagawa ko kasi hindi ko naman ugaling mamalimos ng pelikula (commercial), at saka nakikipag-co producer ako sa mga pelikulang ginagawa ko. Itong sa Cinemalaya 2017, sabi ko gusto kong mag-co – prod.”
Bumibiyahe rin si Rosanna sa iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas dahil inililibot nila ang pelikula niyang Guro na taong 2013 pa natapos ni direk Neal Tan at bukod kay Osang ay kasama rin sina Bembol Roco, Tessie Tomas, Ina Feleo, Lemuel Pelayo, Daria Ramirez, Kerbie Zamora, at Anita Linda.
“Marami nang napuntahan ‘yung movie ko na ‘Guro’ kasi pang-estudyante talaga, different kinds of student na kailangan mong pagtiyagaang turuan,” kuwento ng aktres.
Nabanggit pa nga ng aktres na medyo naapektuhan ang pagpapalabas ng Guro sa ilang eskuwelahan sa probinsiya lalo noong nasa Naga City siya dahil dito pumutok ‘yung isyung nagdadala siya ng babae sa National Bilibid Prison.
“Siyempre teacher ang papel ko sa pelikula tapos mababalitang nagdadala ako ng babae sa kulungan. Maraming gustong mag-interview sa akin noon, pati ‘yung ABS-CBN Naga, talagang tumatanggi ako.
“Gusto ko kasi, ako mismo ang gagawa ng statement ko, ako ang magsasalita, ipinost ko sa FB ko kasi baka maiba lang kaya gusto ko, ako mismo susulat.
“Tapos noong lumabas, okay naman kasi babae lang talaga dinadala ko at dalawang beses lang ‘yun,” paliwanag mabuti ni Osang.
Sa isyung human trafficking daw ang pagdadala ng aktres ng babae sa Bilibid.
“Wala namang nag-iisyu. Actually hindi naman basta makakapasok (babae). At saka hindi naman tungkol sa akin ‘yung hearing, kay (Senator) Leila de Lima ‘yun,” pangangatwiran sa amin.
Dagdag pa, “ang importante, hindi ako naiiwan sa kulungan para mag-overnight, at saka mainam na rin na sinabivkong babae, kasi baka isipin nila drugs, eh.
“Hindi biro ang drugs. ’Pag isinawsaw mo ang daliri ng paa mo riyan, damay na ang pamilya mo riyan. Mahirap na kalakaran ‘yan, hindi biro.
“At saka dalawang beses lang ako nagdala ng babae, eh, palpak nga ‘yung huling dinala ko, kasi nagalit ‘yung Intsik kasi one-week na, nilalabasan pa siya (may tulo), ha, ha, ha, kasi may sakit ‘yung babae. Sabi ng Intsik, ‘wak ka na dala ng babae rito, ha!,” humahagalpak na kuwento pa.
Sa madaling salita hindi nasubukan ni Osang ang shabu, “hindi, more on pampatulog ang drugs ko. Anything other than sleeping pills, hindi kinakaya ng powers ko,” diin pa.
Dahil balik pelikula na nga ulit ang aktres sa 2017 ay dadaan ulit siya sa liposuction.
Kuwento ni Osang, “more than anything, kailangan matanggal na itong mammoplasty, ‘yung silicon kasi talagang pinahihirapan na ako, nagsiksik na lahat ng taba, tapos 20 years na rin which is dapat, 10 years papalitan na.
“So ‘yung 90cc na pagkaliit-liit lang dati, eh, lumaki nang husto at nagko-cause ng pain sa likod ko. Hindi kagandahan talaga ang magpalagay ng silicon.
“Kaya ‘yung mga nagbabalak magpalagay, i-enjoy n’yo na lang ‘yung pagka-natural n’yo. Hindi talaga healthy.
“Unang-una hinihingal ako lagi, ngayong tumigil na akong manigarilyo, dapat gumaan ang katawan ko, pero hindi pa rin, dumadagdag ako ng timbang, sa kanya (suso) napupunta lahat. Kaya kahit hindi ganoon kalaki ang katawan ko, akala ng lahat, ang laki-laki ko.”
Dagdag pa, “si doc Edmund Syjueco ang magtatanggal ng silicon ng Boost Beauty City Aesthetic Clinic na pag-aari ng magkapatid na Tinnie at Bim Crame. Noong kinontak nga nila ako, go ako kaagad kasi libre, eh.”
Kasama si Osang sa endorser ng Boost Beauty Clinic kasama si Margo Midwinter na rating FHM model at PBB 737 ex-housemates ang guest sa bagong bukas na clinic sa 361 Bisita Street, Binakayan Kawit, Cavite noong Sabado, Nobyembre 5.
FACT SHEET – Reggee Bonoan