SA Oktubre 30, itatalaga ang kompositor ng awiting Anak na si Freddie Aguilar bilang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang Palace source, muling nabuhay ang pagtatalaga sa puwesto kay Aguilar, nang maghain ng courtesy resignation ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario bilang tagapangulo ng KWF.
Ang resignasyon ni Almario ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 4 ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na pinagbibitiw ang lahat ng presidential appointees sa nakaraang administrasyon.
Bagama’t nagbitiw bilang tagapangulo, nanatili ang pagiging commissioner ng KWF ni Almario.
Ayon sa source, nitong nakaraang linggo, kinausap ng Malacañang si Almario at sinabing ipapalit sa kanya si Aguilar bilang tagapangulo ng KWF.
Inirekomenda umano ni Almario na ipalit sa kanya si KWF commissioner, Dr. Puficacion Delima, isa sa mahusay na linguist mula sa UP Baguio.
Kapag naitalagang tagapangulo ng KWF si Aguilar, magkakaroon siya ng pagkakataong maging nominado at maihalal na tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Magugunitang umugong ang pagtatalaga kay Aguilar bilang tagapangulo ng NCCA ngunit ito ay umani ng puna at kritisismo sa hanay ng mga alagad ng sining.
Kinikilala si Aguilar ng kanyang mga tagahanga bilang kompositor at mang-aawit na nagpasikat ng awiting “Anak” na isinalin sa iba’t ibang wika, ngunit naniniwala ang maraming edukado at tituladong alagad ng sining na ang NCCA chairmanship ay hindi nauukol sa kanya.
Hindi rin umano itinatalaga ng Office of the President ang mga nagiging tagapangulo ng NCCA.
Malinaw sa batas na lumikha sa NCCA, ang Republic Act (RA) 7356, ang tagapangulo nito ay inihahalal ng 15-member Board of Commissioners.
Ang 15-member Board of Commissioners ay nagmumula sa iba’t ibang cultural commissions gaya ng KWF, National Historical Commission of the Philippine (NHCP), National Library, Cultural Center of the Philippines (CCP) at iba pang subcommission on the arts gaya ng kasalukuyang halal na tagapangulong si Felipe de Leon, Jr.
Ilan ito sa mga legal na balakid kung bakit naunsiyami ang hinahangad na chairmanship ni Aguilar sa NCCA.
Inamin noon ni Aguilar, matapos ilunsad ang commemorative album na “Mga Awit sa Tunay na Pagbabago,” partikular na ‘inaawitan’ niya kay Pangulong Duterte na magbuo ng department of culture and arts na kanyang pamumunuan para makapaglunsad siya ng ‘cultural revolution.’
Dahil walang ‘department of culture and arts’ inialok kay Aguilar ang NCCA.
“Gusto ko po talaga na magkaroon tayo ng cultural revolution sa ating mga kababayan. Ito lang po ‘yung revolution na walang mamamatay,” pahayag noon ni Aguilar.
“Ang ibig sabihin ko po sa cultural revolution ay pinapangarap ko po na ibalik po ‘yung mga talagang Pilipino na pag-uugali natin, pati sining natin – ibalik sa atin ‘yung itinanggal ng mga banyaga,” dagdag niya.
Sa kanilang website, ang NCCA, ay inilarawang “overall policy making body, coordinating, and grants giving agency for the preservation, development and promotion of Philippine arts and culture; an executing agency for the policies it formulates; and tasked to administering the National Endowment Fund for Culture and the Arts (NEFCA) fund exclusively for the implementation of culture and arts programs and projects.”
Magugunitang si Freddie Aguilar ang lumikha ng “Para sa Tunay na Pagbabago” na ginamit sa kampanya ni Duterte noong nakaraang eleksiyon.
Inawit din niya ito sa inagurasyon ng Pangulo sa Malacañang Palace.
ni Gloria Galuno