NAKAKUWENTUHAN namin sa early dinner sa Gloria Maris Restaurant sa Gateway Mall sina direk Jun Lana at Perci M. Intalan bago ang screening ng Ang Manananggal sa Unit 23B na pinagbibidahan nina Ryza Cenonat Martin del Rosario na kalahok sa QCinema International Film Festival.
Ayon kina direk Jun at Perci, napahanga sila ni Ryza dahil mabait at propesyonal ang aktres bukod pa sa masunurin.
Bilib nga raw sila noong pumayag si Ryza na gawin ang masturbation scene sa Ang Manananggal sa Unit23B na kinunan ng iba’t ibang anggulo.
Oo nga, ang ganda ng top shot ng eksenang pinaliligaya ni Ryza ang sarili at talagang nakapasok ang daliri sa loob ng panty niya.
Sabi nga ng dalawang direktor, hinayaan nila ang direktor na gawin ang gusto niya sa pelikula at wala silang pinakialaman.
Mapangahas si direk Prime Cruz sa mga ipinagawa niya kay Ryza, pero sabi nga nila, ‘art film’ ito’, eh di sige, hindi na kami kokontra pa.
Masaya naman sina direk Jun at Perci sa magandang reviews ng Ang Manananggal sa Unit23B dahil pawang positibo at mula sa artista, pagkakadirehe at shots bukod pa sa mga ginamit na kanta na millennial na.
Wish ng Idea First Company producers na tangkilikin ang Ang Mananananggal sa Unit23B sa regular run nito pagkatapos ng festival.
Samantala, sa Lunes, Oktubre 24 na ang alis nina direk Jun at Perci para dumalo sa 29th Tokyo International Film Festival kasama si Paolo Ballesteros para sa pelikulang Die Beautiful.
Kuwento ni direk Perci sa amin, ”noong nabalitaan kasi nilang ginagawa ni Jun itong ‘Die Beautiful’, ‘di ba nag-Tokyo si Jun, tapos nag-inquire sila na i-submit nila ang entry, eh, hindi kami makasagot kasi dikit na dikit kami sa deadline.
“Sabi ni Jun, ‘I don’t think, we will be able to finish tapos nag-request sila na maski raft, so nag-send si Jun at deadline na ‘yun. Within the night, nag-reply at first time raw nilang mag-reply ng ganoon kabilis. Go kaagad. So, hindi namin alam kung may idea sila about Paolo, siguro ni-research nila at kita naman sa social media.
“Pero noong lumabas ‘yung trailer, nagulat kami na gumagalaw mag-isa. Maraming following si Pao, in fairness kahit nga rito sa ‘Bakit Lahat ng Gwapo, May Boyfriend?’, ang dami niyang fans, share ng share. I think carry over na rin ng AlDub kasi part siya ng mga lolas, kaya mayroong Jowa Pao na fans club. At saka mabait si Pao, tsika lang siya, walang ere.”
Wala naman daw silang planong isali talaga ang Die Beautiful sa Tokyo International Film Festival dahil ang nasa plano nila ay pang-Metro ManilaFilm Festival 2016 at hoping na pumasa.
Matagal nang nasulat ang script ng Die Beautiful at si Paolo lang ang nasa isip nilang puwedeng gumanap dito.
Kuwento pa ni direk Jun, ”matagal nang natapos ang script ng ‘Die Beautiful’, two years ago pa, kaya blessing in disguise, pero ayokong sabihing ganoon nga kasi nakinabang kami sa suspension niya pero nakatulong talaga.”
Dagdag naman ni direk Perci, ”noong nalaman naming suspended si Paolo, bigla kaming nag-panic na ‘uy available na si Paolo’, pero hindi natin alam kung hanggang kailan (suspension).”
Isang buwan at kalahati lang daw ginawa ni Paolo ang Die Beautiful,”maigsi lang, mga one month and a half, pero three days a week naman ‘yun, para kaming nag-soap opera,” kuwento ng program manager ng Idea First na si Omar Sortijas.
Sabi namin na mabuti at pinayagang mag-absent ulit si Paolo ng apat na raw sa Eat Bulaga, eh, kapapasok lang niya halos.
“Oo, for this Tokyo International Film Festival, kasi siya mismo ang nakiusap. Kasi sayang talaga ‘yung exposure niya,” sabi ni direk Jun.
“So far kasi among the entries ng Tokyo Festival, itong ‘Die Beautiful’ ang pinakamaraming views, pinaka-popular. Ang laki ng difference sa ibang movie. Like 10,000 plus ang views sa Tokyo, tapos ‘yung iba 900 plus lang ang views. Sayang kung hindi dadaluhan ni Paolo kasi sikat siya roon.”
Sabi namin na parang si Julia Roberts si Paolo habang nakahiga siya sa kabaong.
“Ang galing ng make-up transformation ni Paolo, siya lang lahat ‘yun,” sabi ng tatlong executive ng Idea First Company.
Puring-puri ng dalawang direktor si Paolo, ”Nakadalawang pelikula na kami sa kanya, sa ‘Die Beautiful’, kung tutuusin, ang dami niyang moments na mag-diva-diva kasi ang hirap, pero cool lang siya,”
At dahil si Paolo na mismo ang make-up artist sa sarili niya ay tinanong namin kung may additional talent fee siya.
“Ha, ha, ha, may additional credits siya, ha, ha, ha” tumawang sabi ni direk Perci.
Apat na oras ang ginugol ni Paolo sa pagme-make-up, ”oo, 3 to 4 hours, matagal talaga ‘yung make-up, madugo. Para akong gumawa ng horror film na masyadong madetalye, matagal maghintay, iba-ibang looks pa.
“Noong sinimulan namin, isip ko, madali lang ito, pero ‘yung paglalagay ng kuko, suso, beywang (nilagyan ng girdle), ang tagal. Talo pa prosthetics, eh,” kuwento ni direk Jun.
Kaya sabi namin ay sobrang suwerte nila kay Paolo dahil ang laki ng natipid nila sa make-up artist at stylist dahil dala pala lahat ng aktor iyon.
“Oo, sobrang laki, may advantage nga, kasi si Pao, ini-enjoy niya ‘yung ginagawa niya, hindi siya nagrereklamo,” kuwento rin ni direk Perci.
“Nasusugatan na nga ‘yung magkabilang gilid (para sa boobs) niya dahil sa packaging tape talaga. Ayaw naman niyang hindi gumamit ng packaging tape,” dagdag ni Omar.
Nakatrabaho rin nila si Paolo sa pelikulang Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend na produced ng Viva Films at line produced naman ng Idea First Company na palabas na ngayon.
Sakto rin daw na natapos ni Paolo ang pelikula sa panahong suspendido siya sa Eat Bulaga. Sa madaling sabi, nakatapos ng dalawang pelikula ang aktor sa haba ng suspension niya.
“Oo nga, hindi rin namin ini-expect na lalabas din siya sa ‘Gwapo’ (Bakit Lahat ng Gwapo may Boyfriend),” natawang sabi ni pa direk Perci.
Sa kabilang banda, nagwagi sina Vangie Labalan bilang Best Supporting Actress at Prime Cruz bilang Best Director para sa Manananggal sa katatapos na QCinema Awards night.
FACT SHEET – Reggee Bonoan