HABANG ginaganap ang Q and A presscon ng bagong programa ng GMA 7 na TROPS ay hinanap namin ang program manager ng APT Entertainment/TAPE, Inc. na si Miss Camille Gomba-Montano para alamin kung ano ang nangyari sa sinasabing programa ni Kris Aquino dahil ito sana ang timeslot niya, pre-programming ng Eat Bulaga.
Ito rin pala ang nasa isip ng entertainment press na dumalo sa TROPS launching kung anong nangyari na sa programa ni Kris na produced din ng APT Entertainment.
”Naku, ‘wag ako ang tanungin mo r’yan, wala akong alam, hindi ako ang tamang taong pagtatanungan mo,” tumatawang sabi ni Ms Camille.
Hinanap namin si Mr. Tony Tuviera, “wala sila out of the country,” sagot sa amin.
Inilibre ni Mr. T at anak niyang si direk Michael Tuviera ang buong staff nila sa Japan para makapag-relax bago magsimula ng bagong project.
Bakit hindi ka kasama, tanong namin kay Ms Camille? “Walang tatao sa tindahan, heto may presscon kami,” nakangiting sabi sa amin.
Pangungulit namin, ‘wala naman sa plano itong TROPS, ‘di ba? Hindi na kasi tuloy si Kris? ‘Di ba pumirma na siya sa APT Entertainment?’
“Ay, hindi ko po alam, pumirma na ba? Sino nagsabi, si Kris? Wala kasi akong alam, hindi ako nakikialam sa kanila (Mr. Tuviera at Kris).
“At saka itong TROPS, matagal na itong naka-line-up, kaya wala akong alam sa sinasabi mong show ni Kris, hindi ko alam ‘yang show ni Kristeta,” pangangatwiran sa amin ng executive ng APT Entertainment.
Sa madaling salita, hindi na nga matutuloy ang programa ni Kris sa GMA 7 kaya pala may post siya sa IG na, “Ready for #mynextchapter.”
Going back to TROPS, mukhang maganda ang concept nito dahil tungkol ito sa millennial problems tulad ng peer pressure, friendship, rivalry, generation gap, at iba pang problemang kakaharapin ng mga bidang sina Kenneth Medrano, Kim Last, Tommy Penaflor, Jon Timmons, Miggy Tolentino, Joel Palencia, at Taki.
Susuportahan naman ang BAES group nina Benjie Paras, Ina Raymundo, at Irma Adlawan mula sa direksiyon ni Linnet Zurbano produced ng TAPE, Inc at mapapanood na sa Lunes, Oktubre 24, 11:30 a.m..
May ibubuga naman ang TROPS group base sa napanood naming talent nila at mahuhusay silang sumayaw at lahat may mga hitsura kaya puwedeng-puwedeng itapat sa Hashtags ng It’s Showtime kung sa pagsasayaw ang usapan.
FACT SHEET – Reggee Bonoan