ALIW kami sa sagot ni Robin Padilla nang hingan siya ng komento na siya ang napupusuang leading man ni Sharon Cuneta sa gagawin nitong pelikula sa Star Cinema.
“Wow, isang malaking karangalan dahil ang sexy ni Ma’am (tawag niya kaySharon), nakita ko ‘yung kanyang mga bagong litrato, wow!
“Magmula noong huli kaming magkita sa ‘PGT’ (Pilipinas Got Talent), ipinakita sa akin ni Mariel, sabi niya, ‘babe ang payat-payat ni Ma’am!’
“’Yun pala, ako ang pinaghahandaan ni Ma’am? My goodness, okay I’m ready. Ready ako riyan, isang malaking karangalan na ako ang napili, naku! Na-excite ako bigla, namawis ako (sabay tingin sa mga kamay), ano kayang title nito, ‘Maging Anuman Ako?’” natatawang sabi ni Binoe.
Nakatsikahan namin ang aktor sa pagbubukas ng bagong sangay ng Jing Monis Barber Shop sa B Hotel, Scout Rallos, Timog Quezon City noong Lunes.
Natanong din si Robin tungkol sa nangyari kay Mark Anthony Fernandez na kasalukuyang nakapiit ngayon sa Pampanga Provincial Jail dahil nahulihan ng isang kilong marijuana sa sasakyan nito noong nakaraang linggo.
Dumalaw na pala noon si Binoe, ”siguro masasabi ko na isa ako kaagad na nandoon noong nangyari sa kanya, hindi lang ako maka-pronta dahil nakaabang kayo (media) roon.
“Mayroon pang naka-live sa labas ng presinto, hindi ako nakababa sa pinto, pero bumaba naman si Betchay (Vidanes-manager ng aktor), nag-usap naman kami (Mark) sa telepono, hinihintay ko na lang na makarating siya sa kanyang final abode, roon na lang ako pupunta.
“Kung sa City Jail ba siya dadalhin o kung saan man, doon kami makakapag-usap, sa ngayon kasi ang kailangan ni Mark, Panginoong Diyos, hindi kami, hindi ako, lahat kami, lahat tayo support lang, pero ang kailangan niya sa panahon ngayon, relationship niya sa Panginoong Diyos, ‘yun ang number one niyang kailangan ngayon,” paliwanag ng aktor.
Hiningan din namin ng reaksiyon si Robin tungkol kay Agot Isidro na tinawag na psychopath si Presidente Rodrigo Duterte.
“Lahat naman ay may karapatan sa kanya-kanya nating opinyon dahil nasa malayang bansa at sabi nga mismo ni Mayor, ‘that is our right and he will protect our right, siya (Duterte), siya mismo ang nagsabi niyon at karapatan natin (‘yun).
“Ang ano lang d’yan, ang dami-daming problema ng bansa kasi dapat nating hinaharap, huwag na tayong mag-away-away. Opinyon niya (Agot) ‘yun. Nangyari kasi, lumalaki na (at) nalulungkot ako, kasi ang akala ko, gusto natin ng pagbabago, eh.
“Kung gusto natin ng pagbabago, una, baguhin natin ang sarili natin, bago natin hingin ‘yung pagbabago, sana,” sabi ng aktor.
Napapansin kasi na kapag may sinabing hindi maganda kay Presidente Duterte ay nilalait o bina-bash ng mga supporter niya.
“Hindi naman, naranasan ko rin naman ‘yan noong wala pa si Mayor, ako ang number one bumabanat sa administrasyon ni PNoy, ganoon talaga.
“Kapag wala sa oras na nakaupo ‘yung sa iyo (sinuportahang kandidato), eh, talagang mababakbakan ka. Tanggapin natin ‘yun, kumbaga may law of gravity ‘yan, eh.
“Eh, ikaw ang nasa itaas, tanggapin mo lahat kapag bumanat ka, nagdaan ako riyan, naintindihan ko ‘yan. Naintindihan ko si Agot, ganoon talaga mas pinili ninyong maging rebolusyonaryo kayo at ipaglaban ang opinyon, tatanggapin mo lahat ‘yan (bira), kung ayaw mo ng gulo magpakumbaba ka na lang.
“Ngayon kung gusto mo ng gulo, hindi namin kayo pipigilan,” mahabang paliwanag ni Binoe.
FACT SHEET – Reggee Bonoan