NAKATUTUWA talaga si Michael Pangilinan dahil para na siyang stand-up comedian kung makipag-tsikahan sa entertainment press na dumalo sa 2nd album launching niya handog ng Star Music na ginanap sa Musicbox Comedy Bar sa Timog Avenue na naging tambayan niya noong hindi pa siya kilala.
Sumeryoso lang nang kumustahin namin ang anak niya na hindi niya nakikita ng limang buwan.
Nasulat namin dati na dalawang buwan ng hindi nakikita ni Michael ang anak niya noong nakatsikahan namin siya sa Solaire Theater para sa presscon ng A Concert of World-Class Pinoy Performers @ The Theater produced ng Lucky 7 Koi Productions Inc. noong Agosto.
Nabanggit pa nga noon ni Michael na idadaan niya sa legal action ang lahat para makita ang anak.
Kaya sa album launching ni Michael ay tinanong namin ang update sa bata, “magiging okay na po ‘yun bago matapos ang taon na ‘to makakasama ko na ‘yung baby ko. On-going pa rin naman po ‘yung nangyayaring usapan about my visitation rights.”
Sa tanong kung nag-hearing na sila ng nanay ng anak niya, “malapit na pong dumating doon, ayaw ko po sana kasi abala, eh, sarado po siguro (isip) nila. Limang buwan ko na pong hindi nakikita ang anak ko,” malungkot na sabi ng mang-aawit.
“Actually po, lagi ako nagtatanong kung ano ang kailangan ng baby, hindi po nila sinasabi at saka ayaw nilang tanggapin ang sustento ko. Kaya wala po akong magagawa, pero may ginagawa naman ako para sa anak ko,” kuwento pa ng binatang ama.
Samantala, kinumusta namin kung may offer pang gumawa ng pelikula ulit o serye si Michael at natawa kami sa sagot niya.
“Ayoko pong mag-artista, ang hirap, siguro first and last ko po ‘yung ‘Pare, Mahal Mo Raw Ako.’ Hindi ko po talaga linya ang umarte, kakanta na lang ako.”
“Sa serye, hindi ko alam kay Nanay (Jobert Sucaldito) kung mayroon, basta ako, ayoko pong umarte, kakanta lang ako,” diin ng singer.
Sabi namin na karamihan sa mga singer ngayon ay pinapasok na rin ang pag-arte dahil hindi naman laging may gig o shows.
“So far po, okay naman ako, hindi man ako sikat, hindi naman po ako nawawalan ng shows, sa isang linggo, nakaka-apat naman ako o more pa, okay na ‘yun, nakakaipon naman po maski paano.
“Kaysa naman sikat nga ako, minsanan lang ang show, eh, ‘di gutom din, kaya kuntento na po ako sa ganito, kung mas aangat pa, eh, ‘di maraming salamat. Hindi ko naman po minamadali ang sarili ko, basta steady lang po. Heto may 2nd album na so masaya kasi maski ang higpit ng kompetisyon ngayon sa recording, hindi pa rin ako pinabayaan ng Star Music at ni nanay (Jobert) na siyang producer ng album ko.
“Masaya ako kasi may isinulat akong kanta sa album ko, ‘yung ‘Tanging Ligaya Ko’. And the rest of the songs po, si Nanay na ang pumili. ‘Yung ‘Hanggang Kailan’ po ang carrier song ko sa self-titled album ko,” kuwento ni Michael.
Napakinggan namin ang mga awiting nakapaloob sa album at gustong-gusto namin ang version ni Michael na Ayoko Na Sana (Ariel Rivera), Tag-Ulan Tag-Araw (Hajji Alejandro), Everything I Own (Bread), at Kung Sakali (Pabs Dadivas). Kasama rin ang mga awiting Angels, Tayo Na Lang, Angel, Pare Mahal Naman Kita, Bakit Ba Ikaw, Crossroads, at Parang Tayo Pero Hindi.
Nahasa na ng husto ang boses ni Michael at hindi naman niya itinatanggi na nati-threaten daw siya sa mga kasabayan niya sa kapareho niyang genre na R&B.
“Oo naman lalo na sa kasabayan ko tulad nina Daryl Ong, Jay-R, Kris Lawrence, lahat ng R&b singers. Everytime na naririnig ko sila, iniisip ko na dapat mas okay ako sa kanila.
“Walang masama sa pagiging competitive, mas okay ‘yun dahil malalaman mo kung kaya mo pang i-enhance ‘yung kakayahan mo sa pagkanta at para mangyari ‘yun, hardwork din. Lagi akong nakikinig ng mga runs, mga kulot para masanay ako.
“Pero hindi sila threat sa singing career ko kasi kung wala akong trabaho, eh, ‘di wala, kung mayroon, eh, ‘di mayroon,” paliwanag ni Michael.
At isa pang inamin din ni Michael ay gusto niyang sumali sa Cosmo Bachelor sa 2017 kaya pala ang laki ng pagbabago ng katawan ngayon ng singer.
“Actually po, nagbago talaga ako, simula nag-gym ako, roon nawala ang sigarilyo, alak, puyat, labas-labas, kumain ng hindi magagandang pagkain like fatty food, bad carbs, more on healthy food po ako. Mas may disiplina po ako ngayon dahil sa gym.
“Plano ko kasing mag-‘Cosmo’ next year, totoo po ‘yan. Puwede akong mag-endorse na naka-topless ako.
“May abs na po ako, tama na ang 6 abs lang. Iba-iba po kasi ang abs, mayroong 10, mayroong 8, mayroong 6.
“Kaya ko inaalagaan ang sarili ko kasi gusto ko pagtanda ko po, healthy pa rin ako, hindi katulad ng iba na iba na ang porma ng katawan,” paliwanag mabuti ni Michael.
Tinanong din namin ang relasyon ni Michael sa anak ni Gabby Concepcion kay Grace Ibuna na si Garrie.
“Doing good po, malapit na kami mag-one year, so far okay kami. Plano nga po naming magbakasyon out of the country this year. Mamimili po kami ng wakeboarding sa Hongkong, ito po kasi ang kinahihiligan ko ngayon,” kuwento pa ng alaga ng katotong Jobert.
FACT SHEET – Reggee Bonoan