NALITO ang netizens kung anong news program ang panonoorin tungkol sa pagkakahuli ni Mark Anthony Fernandez noong Lunes ng gabi sa Angeles City, Pampanga dahil nakitaan siya ng isang kilong marijuana sa kotse niya.
Base sa interbyu ni Mark sa GMA 7 news ng ala-una ng madaling araw ay itinanggi niyang nahuli siya at wala raw nakitang marijuana sa sasakyan niya.
Kuwento ng aktor sa GMA reporter, “hindi po ako na-check point, bibili po ako (marijuana), tapos dumating po sila (pulis). Hindi pa po ako nakakabili, umalis po ako noong tumakbo po ‘yung magbebenta sa akin (dealer).”
Sabi naman ng ABS-CBN news, napansing walang plaka ang harapan ng kotse ni Mark kaya sinita siya sa check-point sa Angeles City, Pampanga.
Imbes na huminto si Mark ay mabilis daw nitong pinatakbo ang sasakyan kaya nagkaroon ng car chase na umabot na sa San Fernando, Pampanga.
At dahil sobrang bilis nga ng aktor kaya napilitang barilin ng mga pulis ang kaliwang harapang gulong nito.
Sabi ni Chief Inspector Francisco Guevara Jr., “nakakatakot din kasi ‘yung kotse niya, Mustang, malaki kaysa mga kotse namin. Kapag pumasok ka nga roon sa kotse niya mahihilo ka, ‘yung amoy nga niyong marijuana.”
At kuwento nga ni Mark sa ABS-CBN news ay inamin niyang bumili siya ng marijuana sa Angeles City sa halagang P15,000.
“Gamit ko po ‘yun pangontra sa cancer. Ang alam ko po (at) pagkaka-intindi ko po, ‘yun po ‘yun ay gawing legal ang marijuana kaya hindi po ako nag-atubili na bumili. Hindi naman po para ubusin sa isang araw.
“Kumbaga, pang matagalan po ‘yan, parang sigarilyo, siguro po pang isang taon at kalahati na po ‘yan.”
Hanggang kahapon ay nakapiit si Mark sa Station 6 ng Angeles City, Pampanga at base sa isinagawang drug test sa aktor ng Regional Crime Laboratory Office 3, Angeles Provincial Crime Laboratory Office ay negatibo siya sa Shabu pero positibo naman sa marijuana.
Base sa report ni Jun Veneracion ng GMA news ay negatibo sa metamphetamine o shabu si Mark, pero positive naman siya sa THC-metabolites o marijuana.
Sa madaling salita ay may kakaharaping kaso pa rin si Mark na paglabag sa R.A. 9165 o An Act Constituting the Comprehensive Drugs Act of 2002.
Akala ng lahat ay tuluyan ng iniwan ni Mark ang bisyo sa droga nang sumailalim siya sa DOH Treatment Rehabilitation Center sa Bicutan noong 2004 kaya nakabalik siya sa showbiz.
Iisa ang tanong ng lahat, paano na raw ang pamilyang umaasa sa aktor.
FACT SHEET – Reggee Bonoan