BINAHA ang ilang bahagi ng Marilao at Meycauayan sa Bulacan nang rumagasa ang flashflood sa lugar, ayon kay Liz Mungcal, hepe ng Bulacan Provincial Risk Reduction and Management Council.
Aniya, nagsimula ang flashflood makaraan bumuhos ang malakas na ulan sa kabundukan ng San Jose Del Monte at ito ay bumaba sa magkatabing lugar na Meycauayan at Marilao simula kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga apektadong lugar sa Marilao ang Brgy. Ibayo na kinaroroonan ng SM Marilao, na umabot sa 1.8 meters o hanggang dibdib ang baha.
Sa Meycauayan, binaha rin ang mga lugar ng Brgy. Calvario at Malhacan na umabot sa tatlong talampakan ang baha.
Nasa mahigit 300 pamilya na ang inilikas dahil sa pagbaha, kabilang ang 250 pamilya mula sa Marilao.
Nagpadala ang Bulacan PDRRMC, katuwang ng Marilao Rescue, ng isang truck upang maihatid ang mga stranded na pasahero dahil hindi na nadaraanan ng maliliit na sasakyan ang ilang bahagi ng McArthur Road sa Brgy. Ibayo.
( MICKA BAUTISTA )