PAGKALIPAS ng 17 years, muling binalikan ni rating ABS-CBN President at Chief Executive Officer, Ms. Charo Santos-Concio ang pag-aartista na aminadong first love niya.
Oo naman, sinong makalilimot sa isang Charo Santos sa mga pelikulang Kisap Mata, Kakabakaba Ka Ba, Kapag Langit ang Humatol at iba pa na talagang hinangaan siya nang husto sa mahusay na pagganap kaya nanalong Best Actress.
Hindi nga namin inakalang babalikan ni Ma’am Charo ang camera nang magretiro siya bilang top executive ng Kapamilya Network for 28 years dahil expected namin ay magpapahinga siya o kaya ay magiging plain lola na lang siya sa dalawang apo niyang gusto na ring mag-showbiz.
Ang galing nga dahil naka-bulls eye kaagad si ma’am Charo sa pelikulang Ang Babaeng Humayo na may international title na The Woman Who Left na idinirehe ng award winning direktor na si Lav Diaz produced ngSine Olivia na production outfit mismo ni Mr. Diaz at distributed naman ng Star Cinema.
Nasungkit ng Ang Babaeng Humayo ang pinakamataas na award sa nakaraang 73rd Venice Film Festival na Golden Lion or Best Film.
Sa ginanap na presscon ng Ang Babaeng Humayo ay abot-abot ang papuri ng mga kasama ni ma’am Charo sa pelikula tulad nina Cacai Bautista at Mae Paner na mas kilala bilang si Juana Change dahil hindi raw nila naramdaman o ipinaramdam sa kanila na ang bida sa pelikula nila ay ang dating Presidente at CEO ng ABS-CBN.
Kuwento ni Mae, ”talagang napa-wow ako, tuwang-tuwa ako nang malaman kong si Charo ang makakasama ko at makaka-eksena ko, so napaka-fun niyong aming experience ni Charo kasi hindi kami talaga magkakilala tapos first shooting day namin, nagtuturuan kami, binabantayan ko ‘yung paa niya, sabi ko, ‘bakit ang puti-puti mo.’ I was so in love with the film and experience of Lav Diaz plus alam naman natin kung gaano kahusay na artista si Charo, plus nanalo pa ng Golden Lion at kasama ako ngayon, and I am so-so honored (talaga).”
Reaksiyon naman ni Ms. Charo, “but Mae, I am so thankful for your reminders on the set kasi kunwari ‘yung pagkilos na nakabukaka, ‘yung wala na.”
Hirit naman ni Mae na sobrang precious sa kanya ang magandang gesture ng dating TV executive dahil talagang ibinilang niya ang sarili bilang isang artista.
“Isipin mo kasi, Charo Santos, nakikinig sa mga concerned sa kanya, eh, wow,” sabi ni Mae.
Ang kuwento naman ni Cacai, ”hindi kasi ako na-inform kung sino ang kasama sa movie hanggang sa nasa hotel ako sa Mindoro at nagbi-breakfast bilang dumating si ma’am Charo at nagulat ako, sabi ko, ‘ay siya pala’, tapos lumapit at tinanong ako ng, ‘hi Cai, kumain ka na ba?’ nakatulala ako at sabi ko, ‘ma’am Charo, kayo pala ang kasama ko rito, nakakaloka’ tapos lahat ng eksenang ginawa ko sa pelikulang ito siya ‘yung ka-eksena ko.
“Tapos sa eksenang ang haba ng monologue niya pagkatapos tatanungin kami kung kumusta, grabe ang husay ni ma’am Charo tapos tatanungin kami kung kumusta? Wala kaming masabi. Bukod sa araw-araw akong nai-starstruck sa kanya, parang si Mama Mary ba ang bumaba sa lupa? At saka grabe sinasabi namin na magpayong siya kasi umuulan, sabi lang niya, ‘okay lang ‘yan.’ “Napaka-soft spoken pa, parang laging may binabasang sulat, sobrang nakatutuwa, kasi sa lahat ng makakatrabaho mo, Charo Santos pa. Para siyang jologs na sosyal.”
Marami pa kaming kuwento sa susunod na deadline tungkol kay ma’am Charo at hindi na kasya ang espasyo, basta ang showing ng Ang Babaeng Humayo ay sa Setyembre 28 kasama rin sina Nonie Buenccamino, Michael de Mesa, Sharmaine Buencamino, Marj Lorico, Mayen Estanero, Romelyn Sale, Julius Empredo, Jean Judith Javier, Prescy Orencio, Jo-Ann Requiestas, at Kyla Domingo.
FACT SHEET – Reggee Bonoan