Monday , December 23 2024

EJKs sa CSJDM itinanggi ng Bulacan PNP

MARIING itinanggi ni PNP Bulacan Provincial Director, Senior Superintendent Romeo Caramat na may kinalaman ang mga pulis sa sunod-sunod na pagdukot at pamamaslang sa mga residente ng City of San Jose Del Monte (CSJDM).

Ayon kay Caramat, inatasan niya ang mga tauhan na patindihin pa ang pagbabantay at pagmamanman upang mahuli ang nasa likod ng mga pagpatay sa mga taong iniuugnay sa droga.

Iginiit niyang hindi sangkot ang mga pulis sa tinatawag na extrajudicial killings.

Magugunitang ang City of San Jose Del Monte ang may naitalang pinakamataas na bilang ng “deaths under investigation” sa buong lalawigan ng Bulacan mula nitong Hulyo 1, ayon sa ulat.

Nauna rito, nangangamba ang ilang residente sa CSJDM sa Bulacan na baka sila ang sunod na dukutin o pasukin sa bahay at patayin ng isang grupo ng mga lalaking naka-bonnet at gumagamit ng puting van, itinuturong nasa likod ng serye ng pamamaslang sa nasabing lungsod.

Sa nakalipas na ilang linggo, ilang bangkay ang nakita sa iba’t ibang lugar sa City of San Jose Del Monte na may tama ng bala ng baril.

Ang mga biktima ay pawang iniuugnay sa droga tulad ng pitong bangkay na nakita sa magkakahiwalay na barangay noong Agosto 25.

Kabilang sa mga biktima si Marjorie Terceño, dinukot ng apat na lalaki sa Brgy. Minuyan at isinakay sa puting van na walang plaka. Kasama sa dinukot si Dennis Igno.

Kinabukasan, natagpuan sa magkahiwalay na barangay ang bangkay nina Terceño at Igno.

Limang bangkay pa ang nakita nang araw na iyon sa iba pang barangay ng nasabing bayan.

Ang isa pa sa mga biktima na si Vergel Dimal ay sinaksak sa leeg at pinutulan ng ari ng mga suspek na pawang naka-bonnet at sakay ng puting van.

Hindi gaya ng ibang biktima, mapalad si John, hindi tunay na pangalan, dahil nang pasukin ng mga lalaking naka-bonnet ang kanyang bahay noong Agosto 30 ay nakapagtago siya at nakalabas kaya hindi nakuha ng mga suspek na sumakay sa puting sasakyang walang plaka.

Hindi kalayuan sa lugar sa pinagburulan kay Terceño, pinasok din ng mga lalaking naka-bonnet ang bahay at pinatay si Clifford Perez noong madaling-araw ng Setyembre 5.

Ayon sa mga nakakita, nakasakay sa van na walang plate number at nakatakip ang mukha ng mga suspek.

Ganito rin ang deskripsiyon sa bumaril at pumatay sa pulis-Bulacan na si PO1 Alvino Abil sa Brgy. Gumaok Central habang nasa lamay noong gabi ng Setyembre 9.

Si Abil ang pulis na sinasabing nakuhaan sa video na gumagamit ng ilegal na droga.

Dahil sa sunod-sunod na insidenteng ito, natatakot ang ilang residente dahil tila nagiging pangkaraniwan na lang ang pagpasok sa bahay ng mga suspek na dudukutin o papatayin ang tao na kanilang pakay.

Maging ang puting van na ginagamit sa krimen ay nagiging karaniwan na ang pag-ikot sa lugar.

( MICKA BAUTISTA )

About Micka Bautista

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *