ANIM na pasahero ang dinala sa ospital makaraang makaranas ng clear air turbulence dakong 6:21 am kahapon ang Philippine Airlines flight PR1103 mula Los Angeles habang papalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa report, tumawag sa Manila Control Tower ang flight PR1103 para impormahan na nangangailangan ng medical assistance ang ilang katao sa naturang eroplano.
Ligtas na nakalapag ang eroplano sa NAIA runway dakong 6:40 am.
Dalawang pasahero na kinilalang sina Roel Orocay, 43, at babaeng pasahero na si Ellis Mungin Anika Kemba, 42, ang nasaktan sa naturang insidente.
Kabilang sa mga nasugatan o nasaktan ang mga crew na sina Marc Castro, 34, may head trauma sa pagkakauntog sa ceiling ng eroplano; Joan Ratunil, 29, na humagis at tumama ang mukha sa kisame at nilagyan ng neck brace; Raquel Cruz, 25, dumaing dahil sa sakit ng braso; habang umangal aa sakit ng kanang braso si Katrina Angeles, 26.
Ayon kay PAL spokesperaon Cielo Villaluna, nilapatan ng paunang lunas ng medical team ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga nasaktan bago dinala sa pinakamalapit na ospital.
Noong Setyember ng nakaraang taon, umabot sa 40 pasahero ng Qatar Airways flight QR932 ang nasaktan makaraang tamaan ng turbulence habang papalapit sa NAIA.
Kabilang sa nilapatan ng first aid sa airport ang tatlong menor-de-edad at dalawang flight attendants.
( GLORIA GALUNO )