NAKATUTUWA, ang dami-dami palang nag-aabang ng seryeng The Greatest Love na pinagbibidahan ni Sylvia Sanchez pagkalipas ng 27 years.
Noong Lunes habang tinitipa namin ito ng bandang 3:30 p.m. ay panay ang tanong sa amin kung anong saktong oras eere ang The Greatest Love dahil parang ang tagal na raw nilang nakatutok sa TV, eh, hindi pa tapos ang It’s Showtime.
Sabi namin, bago mag-Minute to Win It kaya medyo late na sa hapon ito dahil kapalit ng Tubig at Langis.
At totoo lang, nakagugulat ang response ng tao sa TGL ni Ibyang dahil talagang hindi raw nila ito palalampasin at pampamilya nga ang kuwento, lalo na ang mga nanay na nakausap namin na iisa ang sinasabi, “gusto naming mapanood kasi hindi naman malayong maging ganyan (may Alzheimer disease) kami, kaya sana ang mga anak namin, mapanood din ito.”
Maging ang mga kaanak namin sa ibang bansa ay inabangan din ang The Greatest Love at nakatatawa, Mamay Pacing (karakter sa Be Careful with my Heart) ang tawag kay Ibyang na kinorek namin dahil siya na ngayon si Gloria sa TGL.
Oo nga, hindi pa rin nalilimutan ng lahat si Mamay Pacing na talagang tumatak sa televiewers kasi naman halos magdalawang taon inabot ang Be Careful with my Heart serye nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria.
Samantala, sa nakaraang panayam ni Ibyang sa Tonight with Boy Abunda ay maraming nagulat dahil first time ng aktres na isiwalat sa publiko ang pribado nilang buhay mag-asawa ni Art Atayde.
Tinanong kasi si Sylvia kung ano ang pipiliin niya, good conversation or good sex, “good sex!” kaagad ang sagot niya na ikinatawa ng buong tao sa loob ng studio.
Ikinatwiran sa amin ng aktres off-cam, “eh, lagi naman kaming nag-uusap ng asawa ko, lagi naman kaming may good conversation, so sex na lang.”
Sumunod na tanong, sex or chocolate, “sex” sabi ulit ng aktres.
Paliwanag ulit ng aktres, “anytime naman puwede kang kumain ng chocolate. At saka masyadong matamis ‘yun.”
Tanong ulit ni Kuya Boy, ‘best time for sex, “anytime basta’t gusto.”
Tanong ulit ni Kuya Boy, ‘does age matter,’ “no!”. ‘Does size matter?’, “of course” humihiyaw na sagot ni Ibyang kaya tawanan na naman ang mga tao kasama na si Kuya Boy.
Lights on or lights off, “lights-off,” mabilis na sagot ng aktres.
At ang bonus question ni Kuya Boy, ‘Sylvia Sanchez, re-sexual position, what would you be?’
“Ha, ha, ha, (sabay bulong kay kuya Boy na huwag na lang sagutin), “oo huwag mo ng sagutin, Ibyang,” say ng TWBA host.
Best actress of the Philippines? “Maricel Soriano,” mabilis nitong sagot.
Paboritong bahagi ng bahay, “kama naming mag-asawa, kuwarto.”
At ang kontrabida sa kuwento ng buhay mo, Ibyang, “kontrabida ngayon, wala, ay si Arjo, ha, ha, ha. Joke lang, kasi pareho kaming ugali, nagka-clash kami,” tumatawang sabi ng aktres at sabay bawi, “pero mabait ‘yung batang ‘yun.”
Kung hayop ka, ano ka, “aso, kasi ‘pag minahal kita, hanggang sa huling hininga mo, mamahalin kita.” At sabi ni Kuya Boy, ‘naniniwala ako riyan.’
At sa tanong kung anong pinagdaanan ni Ibyang na ayaw niyang maranasan ng mga anak niya, “pagse-seksi ko.”
Sa tanong kung anong pagkain ang ihahain ni Gloria (karakter niya sa TGL) kapag nakikain sa bahay nila si Presidente Rodrigo Roa Duterte.
“Dahil simple lang siyang tao, bibigyan (hahainan) ko siya ng daing, monggong ginataan, pusit (adobo)), ginamos, at tostadong galungong,” sagot ng aktres.
At iisa ang narinig naming sabi ng mga tao sa studio, “nakakagutom naman.” At sabi naman ni Kuya Boy, “Panginoong Diyos (ginutom bigla).
Gaano na kayaman ang isang Sylvia Sanchez. “Mayaman ako sobra sa pagmamahal ng asawa ko, ng mga anak ko, mother in law ko, father in law ko ng nanay ko, ng buong pamilya ko, at ng mga totoo kong kaibigan.”
How do you spoil yourself, “shopping!” naghuhumiyaw na sagot ng aktres.
Sa kabilang banda, bago sumalang si Ibyang sa TWBA ay pinuntahan namin siya sa dressing room at magaling talagang magtago ng nararamdaman niya ang aktres dahil kilala na namin siya kaya alam naming kinakabahan ng mga sandaling iyon.
Inabutan namin sa dressing room si Ibyang na katatapos lang mag-make up at inaayos ang satin red shoes ng kanyang assistant. Tinititigan namin ang aktres at bahagyang ngumiti lang, senyales na pinaghahandaan niya ang mga isasagot niya sa mga tanong ni Kuya Boy.
Paroo’t parito, uupo at tatayo ang ginawa ni Sylvia sa dressing room at halatang gusto na niyang sumalang dahil nga kinakabahan, kasi nga naman, first time niyang mag-guest sa TWBA at matagal na niyang pangarap iyon.
Pinaupo muna si Ibyang sa gilid habang ipinakikita muna ang issues of the day at maya-maya ay pinaupo na ang aktres kaharap si Kuya Boy at sabay bulong ng, “kuya Boy, kabado ako (pero nakangiti).”
Sa naging takbo ng panayam ni Ibyang sa Tonight With Boy Abunda ay pinuri ng TV host ang mga accomplishment ng aktres at pagkalipas ng 27 years ay heto at bida na at sabay sabing, “wow, kailangan lang talaga maniwala ka at kailangan patient ka and it finally happen.”
Sundot ng aktres, “at kailangan ko ng dasal, sobra.”
Bukod kay Sylvia, kasama rin sina Dimples Romana, Aaron Villaflor, Matt Evans, Joshua Garcia, at Andi Eigenmann.
Susuportahan naman si Ibyang nina Rommel Padilla, Nonie Buencamino, Boots Anson-Roa, Ynez Veneracion, at Guji Lorenzana. With special participation of Tonton Gutierrez, Ellen Adarna, Ejay Falcon, Junjun Quintana, Anna Luna, Kamille Filoteo, Allan Paule, mula sa direksiyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian handog ng GMO unit mula sa ABS-CBN.
FACT SHEET – Reggee Bonoan