HABANG nagpe-perform ang buong cast ng bagong original Pinoy musical na Ako Si Josephine: A Musical Featuring the Music of Yeng Constantino, nakita naming panay ang pahid ni Yeng Constantino ng luha niya habang nakaupo sa harap sa ginanap na presscon sa PETA Theater Center, New Manila na roon din ang venue ng show na mapapanood simula Setyembre 8 hanggang Oktubre 9 na produce ng Cornerstone Entertainment at ABS-CBN Events.
Naging emosyonal si Yeng dahil isinabay din ito sa ika-10 taong anibersaryo niya sa showbiz simula noong maging grand winner siya sa Pinoy Dream Academy Season 1, 2006.
Kuwento ni Yeng sa media pagkatapos ng patikim ng cast na mapapanood sa mismong musical play, “Three years ago, naitanong ko sa sarili ko kung deserve ko na magkaroon ng ganitong klase ng proyekto na matatawag na mga awitin ko na lalagyan ng magandang story at kakantahin ng magagaling na theater performers. Wow! Totoo pala mangyayari pala talaga!” say ng Pop Rock Superstar.
“Thank you sa lahat ng nag-audition karamihan sa inyo mas matagal pa sa akin sa industry at isang malaking karangalan sa akin na kantahin n’yo at magawan ng acting ang aking mga awitin.”
At kung wala raw lakad si Yeng ay pangako niyang gabi-gabi siyang manonood ng Ako Si Josephine: A Musical Featuring the Music of Yeng Constantino.
“Ngayon pa lang po proud na proud ako sa kung ano mang kalalabasan nitong sinisimulan namin.
“Hindi ko po talaga ma-explain ‘yung feeling. I’m just so blessed lang talaga at ako ang napili for this big event at biniyayaan po ako ni God at ‘di naman po lahat ay nagkakaroon ng pagkakataon na ganito,” sabi pa ni Yeng.
Ang manager niyang so Erickson Raymundo raw ang may idea na gawing musical play ang lahat ng hit songs ni Yeng para sa pagdiriwang niya ng 10th year anniversary kaya’t sobrang nagpapasalamat ang singer/songwriter/judge na ganoon kalaki ang tiwala sa kanya ng Cornerstone honcho kasama na ang buong staff nito.
Ang gist ng musical play ay isang romantic-comedy na ayon kay Yeng, “maganda ang twist niya, makulay ito at parang fantasy. After mong mapanood ‘yung play, parang itatanong mo sa sarili mo, paano kung ang buhay mo ay walang love song?
“Kung iisipin mo, ano kaya biglang tatanggalin ang mga love song sa radyo at TV, ano kaya ang kulay ng mundo?”
Gaganap bilang si Josephine na si Via Antonio na napapanood sa ilang serye ng GMA 7. At si Maronne Cruz naman ang ka-alternate niya na kilalang stand-up comedienne.
Kasama rin sa cast sina Jon Santos at Ricci Chan bilang si Monotomia na kontrabida, Joaquin Valdez na siyang napili bilang leading man at Chinito. Si Liza Magtoto ang sumulat ng script at si Maribel Legarda naman ang direktor.
Maaraming tumawag sa Ticketworld, 891-9999 or visit www.ticketworld.com.ph. para sa tickets.
FACT SHEET – Reggee Bonoan