IPINAGTANGGOL ni Robin Padilla ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagbanggit nito ng mga pangalang may sabit sa katiwalian at droga, mapa-pribado o public servant.
Sa ginanap na launching ng Bravo Food Supplement for Men kahapon ay ipinaliwanag ng aktor ang magandang layunin ng Presidente.
“Ang mahal na Pangulo po ay nagbibigay ng magandang serbisyo sa atin, ito pong ginagawa niya ay para po sa bansa, para sa atin,” aniya.
Hiningan din ng komento si Robin tungkol sa mga taga-showbiz na dawit sa droga na papangalanan na raw ni Presidente kapag hindi sumuko.
“Ang puwede po nating ipakiusap ng showbiz world, kay Mayor na ‘yung mga pangalan ng mga artista ay huwag muna pong ilabas at sana magkaroon muna ng dayalog.
“’Yung mga pangalan po ng mga artista ay huwag munang ilabas, ang mga artista, mga manager, sa PNP (Philippine National Police) o anumang ahensiya sapagkat ang mga artista po, tandaan po natin, mga taxpayer po sila, sumusunod din po sila sa batas kung anuman ‘yung kakulangan at anuman po ‘yung kanilang pagkakamali ay sana mapag-usapan.
“Pero hindi po ako nagsasalita para po sa mga pusher, sorry po pero wala kayong lugar, pero ‘yun pong mga user, eh, sana po mabigyan sila ng puwang dahil sila rin po ay biktima rin,” paliwanag ni Robin.
Dagdag pa ni Robin na napakabait pa raw ni Presidente Duterte sa mga ginagawa nitong pagpapangalan sa lahat, ”maniwala kayo sa hindi, napakabait pa ni Mayor, binibigyan pa po niya ng pagkakataon ang mga taong gustong magbago, dahil kung ‘yung gusto ko po ang masusunod na Revolutionary Government, wala po ito. Pero dahil si Mayor po ang gusto niya ay maging mahinahon ang lahat.”
FACT SHEET – Reggee Bonoan