KAHIT hindi summer ay napilitang magbakasyon sa ibang lugar ang ilang suspected pushers na sangkot sa operasyon ng illegal na droga sa takot na baka sila ay maging biktima ng extra judicial killings o ng grupo ng ‘assassin,’ ang riding in tandem.
Ang ilan sa watchlist ng illegal drugs ay kusang lumabas muna ng lungsod ng Pasay. May nag-out of the country at ang ilan sa kanila ay hindi na pumapasok sa kanilang trabaho. Iyan ay dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan.
Ang dating masayang tanggapan ng CADAC sa Pasay, naging malungkot dahil may ilan sa empleyado ang laging pinagpapawisan.
Nalaman natin na iba na ang takbo ng hangin sa Pasay. Nawala na ang barkada-barkada system sa pagitan ng mga barangay official sa Pasay at ng local PNP.
Lumalabas na nawalan na nang tiwala ang karamihan sa barangay official simula nang barilin at mapatay ng isang police-non commission officer (PNCO) ang barangay chairman ng barangay 29, Zone 9, na si Edwin Ganan, 44, alias “Manok.”
Bago naganap ang pagbaril kay Ganan sa bahagi ng Pasay City General Hospital sa P. Burgos St., ang mama ay nasa ilalim ng custody ng local-PNP ng Pasay.
Inaresto si Ganan sa isang buy bust operations ng mga tauhan ng Pasay Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group at Special Operations Unit matapos na siya ay magbenta ng ilang gramo ng shabu sa isang nagpanggap na poseur buyer.
Ang drug bust ay isinagawa ng anti-narcotics cops sa panulukan ng Leveriza at Propetarious streets, dakong 9:00 pm.
Nabatid na si Ganan ay inilaglag ng kanyang kaibigan na si “Vic” na nauna nang inaresto at inimbestigahan ng pulisya tungkol sa operasyon ng droga sa Pasay.
Kung ang isang subject ay may kinalaman sa bentahan ng shabu o ano mang uri ng droga, kailangan mong magbigay ng trabaho para makaligtas sa kamatayan, iyan ang katotohanan.
Kamakailan, dalawang official ng barangay sa Pasay sina barangay chairman Alberto Arguelles at kagawad Moises Aniviado ang magkasabay na naging biktima ng assassination sa kanilang lugar. Ang kumana sa kanila ang riding-in-tandem gunman.
Sa kasalukuyan, nakatala sa official logbook ng Pasay-PNP ang naging kamatayan nina Kap. Arguelles, Kagawad Aniviado at Kap. Ganan.
Malapit na ang barangay election.
SUGALAN SA MENDEZ, CAVITE
Sa isang TV interview, nabanggit ni PNP chief director general Ronald “Bato” dela Rosa na matapos ang kampanya nila sa illegal na droga ay isusunod niya ang illegal na sugal sa bansa.
Anyway, ito po ang clue, General dela Rosa. Sa upper at lower land sa lalawigan ng Cavite ay open na open ang lahat ng uri ng sugal, ang bookies ng lotteng, EZ-2, sakla, VK at jueteng.
Ang pulis na si alias “Troy” ang umaaktong bagong bagman sa command ng PNP sa Cavite. Ang bata naman niyang si Lando, alias “Bulag” na kasador din ng sugal na sakla ang umaaktong collector sa lahat ng gambling lords sa Cavite.
Sa bayan ng Mendez sa Cavite, open din ang sugal na sakla (spanish cards), na ang kasador, banker ay si Jojie na umano’y kamag-anak ng isang ranking local government sa Mendez.
Ang saklaan ay nakapuwesto sa sabungan, bukod pa ang operasyon ng saklang patay.
Naku po! Mayor at chief of police.
May follow up pa.
E-mail address: [email protected]
CRIMEBUSTER – Mario Alcala