USAPING Camp Sawi pa rin ay nakausap namin si Yassi Pressman pagkatapos ng Q and A at tinanong kung bakit siya sumali sa 2016 Pinoy Big Brother Season Lucky 7.
Bukod dito ay pinipilit siyang magkuwento ng mga naging karanasan niya sa loob ng Bahay ni Kuya pero tikom ang bibig ng dalaga.
”Marami po kasing hindi puwedeng sabihin, ang masasabi ko lang po, isa siyang experience na nagbago po or nakapagbago po ng life ko.
“Dati po, sobrang thankful na ako sa lahat ng mayroon ako. Nawalan na rin kasi ako rati ng work, ngayon nagkaroon po ako ng mga blessing ngayon ng marami pong trabaho kaya sobrang thankful ako sa work.
“Noong nandoon po ako sa loob ng bahay, marami akong bagay na nati-take for granted like food na lahat po tayo mayroong food. Na kapag nawalan po tayo, ang hirap. Sleeping on a bed na maliliit na bagay.
“Kaya ngayon po, kahit saan ako magpunta at napapansin ko lahat ng maliliit na bagay ay nagiging thankful po ako,” pagkukuwento ng dalaga.
At ang paliwanag niya bakit siya sumali sa PBB, “sa akin po kasi hindi siya kung anong level ko po bilang artista or bilang tao. Pumasok po ako kasi una, gusto kong ma-experience dahil napapanood ko ‘yung show, fan ako ng show simula pa lang and gusto kong maka-experience ng ganoong bagay na hindi talaga nararanasan ng tao tapos, when I got in, doon ko naranasan na sobrang iba pala talaga kapag nandoon ka na sa loob ng bahay dahil hindi mo siya mako-compare kahit sa anong experience na magagawa mo outside (PBB house).”
Hindi naman daw umasa si Yassi na maging big winner, “hindi po, hindi naman kasi ‘yun ang goal ko. Ang goal ko po ay magkaroon ng friends pa in the house and to experience kung ano ba ang ginagawa sa loob ng Bahay ni Kuya, sino ba si Kuya at ano ang pakiramdam kapag narinig mo ang boses ni Kuya.”
Mahirap na masarap daw tumira sa loob ng PBB house dahil kapag natalo sila sa challenge ay wala silang pagkain or paghihirapan lahat ng challenges at kapag nanalo naman ay may rewards.
At dahil ex-PBB housemate siya kaya ABS-CBN talent na siya, “I signed with Viva and sa network po, abangan n’yo na lang po kung ano ang susunod na gagawin ko sa ABS.”
May project na ba na ibinigay kay Yassi ang Kapamilya Network paglabas niya ng PBB House, “secret, ha, ha, ha. Hindi ko po puwedeng sabihin, basta mapapanood n’yo na lang po, secret po talaga, abangan na lang po natin,” tumatawang sabi ng dalaga.
Sabi pa ni Yassi noong tinanong namin kung na-excite siya nang ialok sa kanya ang project? “Sobra po, pero hindi po puwedeng pag-usapan, wala po akong puwedeng ikuwento talaga.”
Sobrang excited si Yassi nang mapunta siya sa ABS-CBN dahil, “pinangarap ko po talaga ‘yun. Sa GMA po kasi, roon po ako unang dinala kaya parang ‘yun po talaga ‘yung place for a long time, two years na rin po na wala akong network talaga.
“Sa GMA po, hindi ako pumirma sa kanila kaya simula po noong nagsimula ako, wala talaga akong network contract, I’m a free lancer po, eversince.”
At dahil certified Kapamilya star na si Yassi ay pangarap niyang sana magkaroon din siya ng MMK (Maalaala Mo Kaya) at ASAP, “gusto ko pong ipakita na kumakanta rin po ako, kaya gusto kong mag-‘ASAP’ po, I can sing and dance po,” say ng dalaga.
Anyway, si Yassi ay si Jessica na isang perky cheerleader na iniwan ng kanyang varsity boyfriend sa pelikulang Camp Sawi.
FACT SHEET – Reggee Bonoan