HINDI pala masyadong fan ng organic food ang aktres na si Jean Garcia at ang katwiran niya, “parang marketing strategy lang ‘yan ng business kaya mahal. Though healthy naman talaga ‘pag organic, eh, lumaki naman tayong healthy noong araw naman walang orga-organic, namamalengke lang sa Farmers ng fresh na gulay okay na tayo, ‘di ba?”
Nakatsikahan namin si Jean pagkatapos ng story-conference ng pagbabalik ng Mano Po franchise sa Metro Manila Film Festival produced ng Regal Entertainment.
Magiging Mano Po 7 na ito at makakasama ni Jean sina Richard Yap, Jana Agoncillo, Janella Salvador, at Enchong Dee mula sa direksiyon ni Ian Lorenos.
Pero kumakain naman ng organic food si Jean, “well, ‘pag mayroong nagbigay o nagregalo ganyan, pero hindi ako masyadong maarte sa pagkain.”
Pero ang anak daw nitong si Jennica Garcia-Uytingco ay talagang puro organic at pati anak na sanggol pa lamang ay ito rin ang ipinakakain.
“Lahat nire-research niya, sabi ko nga, ‘honey huwag naman masyado kawawa naman ang aking apo, baka (lumaking) stiff, ang daming restrictions, ganyan, tapos organic pa.’
“Sabagay kasi first baby, baka ‘pag naging dalawa o third na, I’m sure mapapagod na rin ‘yan.
“Sabi ko nga (Jen), ‘kayo nga lumaki naman kayong hindi organic ang mga food, pero maganda rin para healthy din ang bata,” kuwento ng proud mom and lola.
Kabawasan ba sa imahe ni Jean na tawagin siyang lola?
“Noong nag-asawa na sina Alwyn (Uytingco) at Jen, tinanong ako kung ready na raw ba akong matawag na lola, sabi ko nga’ ‘naku hindi ako ready’ kasi di ba, parang teka muna, tatawagin na akong lola.’
“Pero nu’ng lumabas na ‘yung baby, payag na payag na ako,” masayang sabi ni Jean. Hirit pa, “tawag sa akin ‘lala or mama lala’.
At sa pagkakaroon ng apo ay hindi raw nararamdaman ng aktres na matanda na sila.
“Feeling ko para akong bumata kasi parang mayroon akong bagong baby, parang baby na hindi ko apo,” paliwanag ng proud lola.
Dagdag pa, “heto nga may tumawag sa akin na (editor ng magazine) na kung puwede raw kaming i-feature mag-lola sabi ko ‘oo payag na payag ako, kami lang ha huwag n’yo isama ang magulang.”
FACT SHEET – Reggee Bonoan