AMINADO si Judy Ann Santos-Agoncillo nang makatsikahan namin pagkatapos ng advance screening ng Kusina na entry sa Cinemalaya 2016 na first love talaga niya ang drama dahil ito naman talaga ang forte niya pero hindi raw ibig sabihin ay hindi siya tatanggap ng offers para sa feel-good or romantic comedy films.
Aniya, ”definitely oo naman, it’s just that once in a while we have to make movies na would figure passion.
“’Yung rom-com, basta’t puwede sa edad, bakit naman hindi, basta’t swak sa edad, ayoko naman ng pinilit para lang magpa-romcom.”
Hindi raw namimili ng makakasamang aktor si Juday basta’t depende raw sa ihahain, ”ayokong magsara ng pintuan o sabihing hanggang dito na lang. Ang daming possibilities, eh, ang daming mahuhusay na gumawa ng scrips at mahuhusay na bagong direktor ngayon, I’m open to suggestions,” katwiran ng aktres.
Tinanong namin kung willing siyang makatrabaho ang mga young actors ngayon na ang tipo ng kuwento ay na-in love siya sa mas bata sa kanya.
“Oo naman, basta ba keri ng istorya, I’m more than happy to work with the younger ones, hindi ako makapag-pangalan kung sino, kasi lahat naman nakikitaan ko ng potentials kasi mahuhusay silang lahat umarte,” pahayag ng aktres.
Nanghihinayang nga raw si Juday dahil naudlot ang pagsasama nila ni Coco Martin, ”kasi noong ako ang pumuwede, hindi naman puwede si Coco, noong puwede na siya, ako naman ang hindi puwede kasi dalawa ang ginagawa ko that time. Kaya hindi na nagawa hanggang ngayon, but I’m hoping one day magkaroon kami ng chance ni Coco na magka-trabaho kami, that was 5 years ago pa.”
Tao na siya at hindi na siya robot
— Juday to Sarah
Samantala, nahingan ng komento si Juday tungkol sa relasyong Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli na alam naman ng lahat na little sister ng aktres ang singer/actress.
Sa tingin ba ni Juday ay okay na si Matteo para kay Sarah G? Pabor ba siya sa aktor para sa kanyang little sister?
“Ganito na lang, I guess kung hindi disenteng tao si Matteo at hindi siya ‘yung tipo ng tao na puwedeng magbigay ng maayos na buhay kay Sarah or he let’s Sarah feel the reality of life ay hindi sila magtatagal.
“I mean, he made Sarah feel na, ‘you’re normal person, you can get hurt, but you can still enjoy the little things in life, ‘yun ‘yung nakatutuwa sa kanila because nanonood kami ng sineng magkakasama na hindi bongga na tipong pa-reserve natin ang buong sinehan, hindi ganoon.
“Kain kami sa labas after, ganoon lang, just the four of us, walang pagpapakitang tao na what you see is what you get.
“I see Matt na parang si Ryan (Agoncillo), hindi ako magsu-sugar coat ng mga bagay-bagay, papakita ko sa ‘yo kung ano ako, anong mayroon ako, papaintindi ko sa ‘yo kung ano ‘yung priorities natin dapat.
“And on Sarah’s part, ngayon ko lang din siya nakitaan na, would go to that extra mile to stand a person (Matteo) and I’m really na she’s into culinary now, she’s making time for herself.
“Nag-explore na siya, nagagawa na niya ang gusto niya, tao na siya at hindi na siya robot (biro ng aktres) unti-unti, she’s coming out of her shell.
“Ganoon din naman ako rati, hindi nga lang ako singer pero alam mo ‘yung paunti-unti, she’s getting riskier and riskier by the day which is just right because kung mag-asawa ka na, and when you become a parent, you take so many risks for your children.
“And bilang tao, bago ka pumasok sa isang sitwasyon na may mga bata ka ng bubuhayin, enjoyin mo muna mga bagong nangyayari sa paligid mo, pagiging single mo.
“You take risk habang wala ka pang responsibilidad sa buhay, enjoy life. ‘Yun ang parati kong sinasabi sa kanya (Sarah), enjoy life, hindi mo puwedeng i-rewind ang nakaraan at sabihing hindi ko ito nagawa noon at gagawin ko ito ngayon, you cannot do that anymore when you get married and you have children,” mahabang paliwanag ni Budaday tungkol kina Sarah at Matteo.
Hindi nanganay sa muling
paggawa ng drama scene
Sa kabilang banda, tungkol sa pelikulang Kusina ay binanggit namin kay Juday na gusto namin ang eksenang nakikinig ng radyo habang kinakausap siya ng bunso niyang anak na lalaki para ipakilala ang kasintahan nito.
Magkahalong may naririnig at wala ang ipinakitang pag-arte rito ni Juday dahil habang nagsasalita ang anak ay idinidikit ng aktres ang tenga sa radyo sabay ng pag-ayos ng pihitan nito dahil natatalo ang radyo ang boses ng anak.
Sa kabilang banda ay gustong-gusto pa rin ni Juanita (Juday) na mapakinggan ang sinasabi ng anak hanggang sa umalis na.
Tugon ni Juday sa amin, ”oo nga, para akong baliw doon, hindi mo alam kung babaliw na dahil nga ‘yung atensiyon niya nasa radyo.”
Ang Kusina ay entry sa Cinemalaya 2016 na idinirehe nina Cenon ObispoPalomares at David R. Corpus at ipinrodyus naman ng Noel Ferrer Productionskasama rin ang Sirena Pictures, Cinematografica Films, Media East Productions, RSVP Films Studio, Outpost Visual Frontier, at Caffe Veloce Productions na nagkaroon ng advance screening sa Director’s Club Cinema 5F Fashion Hall SM Megamall noong Martes ng tanghali.
Noong huling makausap namin si Juday sa last shooting day ng Kusina ay sinabi niyang nangangalay siya o kinakalawang dahil matagal siyang napahinga sa pag-arte, at ang huling Cinemalaya na nagawa niya ang Ang Mumunting Lihim noong 2012 na drama at hindi naman considered ang Tyanak dahil horror daw ito.
Pero may mga nagsabing mas gusto nila ang breakdown scene ni Juday dahil mamatayan siya ng anak kaya naman tinanong siya kung paano niya na-motivate ang sarili dahil nga walang bakas na nanganganay siya.
“Ano lang siguro masyado ko na lang inirelate ‘yung karakter ko kay Juanita (pangalan ni Juday sa pelikula) and lahat naman tayo ay may mga buried emotions in the past na itinago natin at ayaw nating harapin for the longest time.
“Siguro ako, dumating lang ako sa puntong nagkaroon ako ng butas na ilabas ‘yung emosyon na ‘yun kasi nalimutan ko na ‘yun, eh. May mga emosyon kang nalimutan kasi hindi mo siya naharap (naalala).
“At doon ko (emosyon) nagamit dahil may isang pelikula palang kailangan kong gamitin, salamat sa karakter nu Juanita kasi nai-relate ko siya roon,” paliwanag ng aktres.
Sa Kusina umikot ang istorya ni Juanita na walang ginawa sa buong buhay niya kundi ipagluto ang lahat ng mahal niya sa buhay na dumating sa puntong nakalimutan ang sarili.
Nanibago kami sa pelikula dahil nasanay kami sa indi movies na mabagal ang pacing at talagang detalyado bawa’t eksena na nakababagal sa istorya.
Nilagyan ng theatrical approach ang Kusina na mapapatanong ka kung bakit ang bilis ng mga eksena na katulad sa simula ng pelikula, ‘ipinapanganak palang si Juanita ng nanay na ginampanan ni Angeli Bayani ay ipinakita na kaagad si Juday na malaki na at malapit sa lola na ginagampanan ni Gloria Sevilla.
Ang paliwanag ni direk Cenon, ”when I first read the script base sa aking estilo kasi nanggaling ako sa experimental, so sabi ko, itong pelikula na nakalagay lang sa isang lugar (kusina), puwede itong baliin sa medium, so natatakot ako, but it’s a challenge. Since maganda ang venue namin for Cinemalaya na we can really experiment on the form, hindi katulad siyempre na kapag gumawa kami sa mas komersiyal na ruta ay hindi namin magagawa ito definitely.
“Kaya usapan namin dito ni David (sumulat ng scripts) ay itodo na talaga namin ang pag-experiment at pagpu-push ng boundaries niyong pelikula.”
Going back to Juday ay aminadong natatakot siyang sumali ngayong 2016 sa Cinemalaya, ”siyempre ‘pag sinabing Cinemalaya labanan ito ng baguhan, mahuhusay na mga direktor, mga gustong magpakita ng talento nila at para hintayin ako ng script na 10 years ago nanalo sa Palanca (awards) ay malaking pressure na ‘yun, pangalawa, mahuhusay na artista ang katunggali mo kasama mo si Ms Nora Aunor, ang dami namin.
“Pero more than anything, ang pinakamalaking factor dito ay nagawa mo siya ng sapat sa deadline namin, malaki man ang waistline ko, naihabol ko naman ang tahi ko (ceasarian section delivery), at least hindi siya bumuka habang nagbi-breakdown ako, ‘di ba?
“At saka naghahanap talaga ako ng istorya na puwede kong pagtuunan ng pagod at pansin at worth it na nawala ako ng 5 years sa pinilakang tabing, ha, ha, ha.
“Five years na Cinemalaya ulit (‘Muminting Lihim’ 2012), ito ‘yung pinaka-drama. Ang ‘Tyanak’ (2014) kasi horror, eh,” pahayag ng aktres.
Kilalang director, gustong makatrabaho
Bongga ang kapalit ng paghihintay ng mga direktor at producers kay Juday dahil SOLD OUT na sa Cinemalaya 2016 screening ang Kusina kaya naman labis na nagpapasalamat ang lahat ng production team sa mga bumili nan g tickets.
Gusto naman daw ni Juday na makatrabaho ang mga kilalang direktor pagdating sa international film festival tulad nina direk Lav Diaz, Jerrold Tarrog, Brillante Mendoza, ”may intrigue factor. Iniisip ko paano pala sila magtrabaho, paano mag-travel sa festivals.
“Siyempre I dreamt to work with Ms Vilma Santos, the last time I worked with Ms Charo Santos, ‘Esperanza’ pa, you want your experience na magpatibay pa, siguro when you get older, naghahanap ka ng mga pelikula na magpapangiti sa puso mo at sa pagiging artista. And I’m so thankful and grateful na binuhay ako nitong ‘Kusina’, ‘yung passion ko for acting and I’m so grateful talaga kasi hinintay talaga nila ako,” sabi ni Juday.
Anyway, mapapanood ang Kusina sa mga sumusunod na screening schedules, CCP Little Theater, Solenad Nuvali at Fairview Terraces August 6; Glorieta Cinema 4 at Trinoma August 7; CCP Studio Theater, Greenbelt, at UP Town Center August 8; Glorietta Fairview Terraces, Trinoma at Solenad Nuvali August 9; Greenbelt at UP Town Center August 10; Greenbelt UP Town at Center, Ayala Center Cebu August 11; CCP Main Theater Fairview Terraces, Solenad Nuvali at Ayala Center Cebu August 12; Glorietta at Trinoma August 13 at UP Town Center August 14.
FACT SHEET – Reggee Bonoan