TAMA lang sibakin ang dalawang labor attaché na nakabase sa United Arab Emirates (UAE) dahil bingi at bulag sila sa problema ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtratrabaho roon.
Hindi alintana ang kawalan ng trabaho ng libo-libong OFWs na nagsara ang mga kompanya, na halos nagugutom na at kung saan-saan natutulog at nalilipasan ng gutom. Na kaya nakararaos ay sa tulong na rin ng ilang kababayang Pinoy.
Lahat ng nangyayari ay hindi ipinararating sa ahensiya ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ngayong pag-upo ni Secretary Silverio III ay nakita ang problema, kaya umasa ang mga OFW na makababalik na sila sa bansa dahil handang ayusin ang mga gusot at problema na dinaranas nila sa kinasadlakan.
DAVAO DEATH SQUAD NARITO NA SA MAYNILA
Hindi kaya naririto na sa Maynila ang grupo ng Davao Death Aquad na responsable sa mga summary killings sa Kalakhang Maynila?
Pero mahigpit itong itinanggi ni NCRPO Director, Chief Dupt. Oscar Albayalde. Sabi ng opisyal, posibleng mga sindikato ng droga ang pumapatay, dahil hanggang ngayon ay walang natatanggap na reklamo ang pulisya mula sa kaanak ng mga bikitimang drug pushers.
Pero teka, sino naman ang responsable sa pagpatay kamakailan sa isang biktima na nakaaangkas sa isang motorsiklo, kasama ang apat pang nakamotor, sa Bgy. Centennial, Western Bicutan, Taguig.
Itinulak ang biktima mula sa pagkakaangkas, pinatakbo saka pinagbabaril hanggang mapatay, sabog ang utak ng pobreng biktima!
Kayo na ang sumagot mga ‘igan! Sa palagay ninyo?
***
SINABITAN pa ang dibdib ng biktima ng “Adik ako,huwag tularan.”
Alam ba ninyo na simula 1-17 ng Hulyo ay umabot na sa 70 katao, pawang drug pushers ang napapatay o biktima ng summary killings? Umabot sa 636 ang arestado, habang 18,749 ang drug pushers at users na sumurender?
Ito ang nasa talaan ng PNP.
SINO SI FRANCIS ERICK GUTTIEREZ?
Siya ang nagmamay-ari ng isang malaking kompanya ng Nickel steel sa Agusan del Norte, na sinasabing isa sa top financer ni dating DILG Secretary Mar Roxas.
Siya rin ang nagmamay-ari ng mga eroplanong sinasakyan ni Roxas habang naglilibot para mangampanya sa kanyang kandidatura bilang Presidente.
Si Guttierez ay mahigpit na binabantayan ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa malaking buwis na hindi niya binabayaran!
Abangan!
AYAW NI MEYOR NG SUGAL SA PASAY
Reaksiyon ni Mayor Tony Calixto sa naglipanang video karera sa lungsod ng Pasay, hindi nila alam ito, at nakiusap siya na ‘wag tantanan ng media ang mga ilegal na pasugalan sa kanyang lungsod. Maging ang saklang patay ay hindi pinahintulutan ng Alkalde.
Kaya sinungaling at intriga lamang ang nagsasabing may bendisyon niya ang ilegal na mga sugalan sa kanyang lungsod.
ISUMBONG MO KAY LADY DRAGON – Amor Virata