FIFTEEN years old pa lang si Gerald Anderson ay aminado siyang crush na niya si Bea Alonzo.
“Nakakababae, nakakikilig,” reaksiyon ni Bea sa presscon ng pelikula nilangHow To Be Yours.
“Alam mo rati, sinasabi niyan sa akin. Siyempre, noong una hindi ako naniniwala kasi para namang pick up line lang niya ‘yun, eh, ha!ha!ha! Magaling itong mag-pick up line, eh. Pero siguro naman sa pagiging consistent niya after how many years, talagang naniniwala na ako. Siyempre nakakikilig din sa parte ko. Gusto ko rin iklaro na noong 15 years siya, 16 years old lang ako,” bulalas ng aktres sabay tawa.
Napangiti rin si Bea nang aminin ni Gerald na kasalanan niya kung bakit naging maikli lang ang naging relasyon nila. Paliwanag niya, bata pa siya noong nagkamabutihan sila ni Bea.
Nagkaroon ba sila ng proper closure noong maghiwalay sila? Napag-usapan ba nila ito sa shooting ng pelikula nilang How To Be Yours?
“Oo, lalo na ngayon halos everyday kami magkasama. Lagi naming pinag-uusapan ‘yung past namin, kung ano ‘yung mga pinagdaanan namin before. Siguro, kung hindi po kami okey at wala po kaming closure, hindi po namin mapag-uusapan ‘yun at the same time ay natatawa pa kami. Okey kami ngayon at ini-enjoy lang namin ito,” pakli ng guwapong actor.
“Siguro, through time nagkaroon kami ng closure. Kasi noong time na ‘yun parang hindi ganoon kalinaw because it was just a short relationship, so parang sa parte ko parang naisip ko sana marami pa akong nadiscover sa kanya. Hindi nga namin napagdaanan ‘yung struggles na pinagdaanan nina Anj at Nino (character nila sa ‘How To Be Yours’ kasi maikli lang ‘yung relasyon namin. But when I look back, parang gusto kong balikan ‘yun time na when you’re together, ‘yun ‘yung ako na carefree as young,” sambit ni Bea.
Ano ang gustong balikan ni Gerald na moment nila ni Bea kung iisipin niya ang maikli nilang relasyon?
“’Yung tipong ang daming nangyayari sa mga career namin, sa mga professional life namin.. ang daming intriga, ang daming may ayaw pero ‘pag magkasama kami nakalilimutan ko lahat ‘yun. ‘Pag kasama ko siya parang sobrang ini-enjoy ko ‘yung moment na naroon siya sa tabi ko,” bulalas pa niya.
Gaya raw ng dati, wala pa ring pagbabago si Bea. Lagi raw tumatawa. Kahit corny ‘yung joke ni Gerald, lagi pa rin daw nakangiti si Bea.
“’Yung carefree na Bea, nakikita ko pa rin ‘pag magkasama kami,” sambit ni Gerald.
Nanghinayang ba siya na hindi nagtagal ang relasyon nila?
“Oo naman. Immature ako that time. Natakot ako sa mga nangyayari sa paligid namin. Hindi ko alam kung paano ko i-handle. Pero wala namang third party,”tugon pa ni Gerald.
Parehong single ngayon sina Bea at Gerald, ano ang status nila, nakikipag-date ba sila?
“Wala eh. Medyo wala ring oras. Ang dami ko ring ibang commitments sa career at ibang personal na ginagawa ko. Hindi po ako naghahanap talaga (girlfriend), but hindi naman ibig sabihin na nakasara ‘yung pinto ko or hindi ako open sa anumang posibleng mangyari…kung sino man ang darating sa buhay ko. Siguro, naka-focus lang ako sa ibang bagay,” saad ng guwapong actor.
Sabi naman ni Bea eight months na silang hiwalay ni Zanjoe Marudo. Friends naman daw sila ni Z (tawag kay Zanjoe) at maayos naman daw silang naghiwalay. Hindi sila nag-away.
Walang chance na magkabalikan sila ni Zanjoe?
“Hindi ko alam, eh. Basta ngayon ay magkaibigan kami,” sagot ni Bea.
Ganyan din ang sinasabi ni Bea ‘pag tinatanong kung posible bang may second chance sila ni Gerald. Mahirap daw sagutin. Hindi raw niya masabi at hindi niya alam. Sa ngayon ay hindi naman daw ‘yun ang inisiip nila ni Gerald. Basta right now, magkasama sila sa project na nag-i-enjoy sila. Weird nga ang pakiramdam nila noong simulan nilang gawin ang pelikula pero ngayon ay komportable na sila.
Sa July 27 na ang showing ng How To Be Yours. Ito ay sa direksiyon ni Dan Villegas.
TALBOG – Roldan Castro