BONGGA si Sylvia Sanchez dahil kung kailan siya nagka-edad ay at saka kinilalang magaling na aktres at ngayon ay bida na sa bagong serye ng ABS-CBN 2 na The Greatest Love. Ang dami na niyang nagawang serye pero ngayon lang siya nagbida.
“I feel thankful and blessed. Alam mo ‘yung honored na napunta sa akin itong role na ito. Until now hindi pa talaga nagsi-sink-in sa utak ko na ako ‘yung bida, hindi talaga. Kasi lagi kong sinasabi sa kanila na atin ito, pamilya ito so, walang bida rito kundi tayo lahat. Kumbaga ensemble acting, ‘yung mga ganoon ‘di ba?,”deklara niya sa presscon ng The Greatest Love.
“Siguro lumaki lang ang responsibilidad. Ayoko ring ipasok sa utak ko na bida na ako rito kasi ayoko ma-pressure. Ayokong kabahan, baka maapektuhan ‘yung performance ko. Basta laging kong sinasabi, lahat kami rito bida,” bulalas pa niya.
Sa magandang project na ibinigay kay Sylvia ay talagang nagpapasalamat siya sa Diyos at minsan ay natutulala pa rin siya sa magandang regalo sa kanyang career.
Kasama niya sa serye sina Nonie Buencamino at Rommel Padilla pati na sinaDimples Romana, Matt Evans, Arron Villaflor, at Andi Eigenmann. Pinupuri ang trailer ng bagong serye na parang Tanging Yaman ang dating.
Ang The Greatest Love ay sa ilalim ng direksiyon nina Dado Lumibao at Mervyn Brondial at kinunan pa sa probinsiya ng Quirino.
Ayon sa creative manager ng serye at legendary writer na si Ricky Lee, ang The Greatest Love ay hindi lamang tungkol sa kondisyon sa utak ni Gloria, kundi pati na rin sa maituturing na “dementia” ng kanyang mga anak.
“Ang mga anak ni Gloria, kung tutuusin may sakit din sila ng pagkalimot. Nakalilimutan nilang ang ina ay laging magiging isang ina. Kapag dumating na ang panahon na natalo ka sa buhay, tinalikuran ka ng mga tao, wala ka nang mapuntahan, mayroong isang tao na puwede mong balikan at tatanggapin ka kahit na anong oras at panahon—at ‘yun ang ina mo,” pahayag niya.
“Maraming mga anak ang mayroong ‘dementia.’ Nakalilimutan nila na mahal na mahal sila ng mga nanay nila—mapagalitan man sila, magkahiwalay man sila. In the end, walang pagkaubos ang pagmamahal ng isang ina,” dagdag pa ni Ricky.
May pag-asa pa kayang mabuo ni Gloria ang kanyang pamilya? Maranasan pa ba niyang lumigaya sa piling ng mga taong kanyang minamahal? Mabubunyag pa kaya ni Gloria ang mga lihim na itinago niya sa kanyang puso sa loob ng maraming taon?
Pero, bago pa man makilala si Gloria bilang isang ina, matutunghayan ang kanyang natatanging kuwento ng pag-ibig. Sa unang linggo ng serye, mapapanood ang dalagang Gloria (Ellen Adarna) na iibig sa bangkerong si Peter (Ejay Falcon) ngunit mapipilitang magpakasal sa musikerong si Andres (Junjun Quintana).
Kasama rin sa cast sina Tonton Gutierrez, Alec Bovic, at Joshua Garcia.
Dagdag-kinang din sa serye si Megastar Sharon Cuneta na inawit ang opisyal na theme song nitong The Greatest Love of All kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra. Ito ang kauna-unahang pagkakataong nag-record ang Megastar ng bagong bersiyon ng isang awitin para sa isang teleserye.
Abangan ang pagsisimula ng The Greatest Love sa ABS-CBN 2.
TALBOG – Roldan Castro