ISANG kinikilala at inirerespetong kritiko ang nakapanood ng pelikula ni Jaclyn Jose noong magkaroon iyon ng premiere, pero ang kuwento niya sa amin, hindi siya makagagawa ng review ng pelikula kasi ”nakatulog ako”.
Nagtataray din ang isang movie writer nang dumating sa aming kapihan. Nanood daw siya ng pelikula ni Jose at nahilo siya dahil sa gulo ng camera movements ng pelikula, bukod pa raw sa magaspang na grano ng cinematography. Iyong grano, malamang sinadya iyon para magmukhang artistic, ganoon din ang magulong movement ng camera dahil hindi na sila gumagamit ng dolly. Hindi nga lang nila naiisip na baka mahilo ang nanonood lalo na kung may edad na.
Pero iyan ang karaniwang quality ng isang pelikulang indie. Iyang mga indie kasi ay ginagawa sa pinakamatipid na production cost. Titipirin hanggang puwede. Hindi talaga dapat asahan ang quality.
Natatandaan namin ang madalas sabihin ng isa naming naging professor noong araw. Sabi nila, ”cinema should be a combination of art, commerce, and science. Cinema is the poor man’s art, as theater is for the elite. Cinema then should not be pretentious.” Tama siya at naniniwala kami roon. Hindi ganyan ang character ng mga indie film natin, lalo na iyong mga trabaho ng sinasabing “award winning” directors na nananalo sa kung ano-anong hotoy-hotoy na awards sa abroad, pero hindi naman kumikita ang pelikula. Kung sabihin nga, iyang mga pelikulang indie, iyan ang kamatayan ng film piracy. Kasi hindi pinipirata iyan, kahit sa pirated walang nanonood niyan.
Kung sa bagay, siguro nga iyan ang magandang solusyon para wakasan ang film piracy. Isang taong walang gagawa ng pelikula kundi puro indie, mawawala na ang lahat ng pirata. Hindi mo naman pipiratahin ang mga pelikulang iyan eh. Kaya nga lang sarado na rin siguro ang mga sinehan dahil wala namang manonood sa kanila kundi pito o walo, at hit na iyon para sa isang indie.
Ang isang pelikulang indie, tumatagal lang ng dalawa o tatlong araw sa isang sinehan. Hindi aabot iyan ng isang linggong playdate. Kahit na nga si Nora Aunor ang artista napu-pull out eh, iyon pa bang mga artistang hindi mo naman masasabing kasing popular ni Nora?
Sino ang manonood kung hindi mo kilala kung sino iyong artista, at sabihin mo mang nanalo ng award sa abroad, tingnan mo naman ang hitsura at kagaya lang ng nagtitinda ng halo-halo sa kanto. Babayad ka ba ng mahigit na P200 para mapanood ang mga pelikulang ganoon? Malabo iyon.
HATAWAN – Ed de Leon