NAGSAMPA ng kasong graft sa Office of the Ombudsman ang operator ng Manila North Harbor laban kay Philippine Ports Authority (PPA) Officer-in-Charge and Assistant General Manager for Operations Raul Santos dahil sa pagharang sa kanilang operasyon bilang isang international port.
Sa kanilang reklamo, sinabi ng Manila North Harbour Port, Inc. (MNHPI) na si Santos ay may pananagutan sa ilalim ng Section 3(e) of R.A. No. 3019, ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, dahil sa ginawang pag-siyu ng PPA Memorandum Order No. 08-2016 na naunang nagbabawal sa mga PPA personnel, foreign vessels at sa kanilang mga ahente sa pagdaong at pagtigil sa Manila North Harbor.
Ang Manila North Harbor ay isa sa tatlong pangunahing government-owned ports na bumubuo sa Port of Manila. Ito ang dating humahawak ng domestic vessels at cargoes.
Sa ilalim ng bagong Philippine Competition Act (R. A. No. 10667) at Foreign Ships Co-Loading Act (R.A. No. 10668) at Implementing Rules and Regulations (IRR), pinapayagan ang foreign vessels na mag-dock, mag-unload, at kumuha ng mga import gayondin ang mag-export ng cargo saan mang Philippine Port, kabilang ang Manila North Harbor.
Ayon sa MNHPI, ang memo ni Santos ay nagpapakita ng kanyang partiality laban sa MNHPI, na umano’y may negatibong epekto sa pantalan, sa gobyerno, port users at iba pang stakeholders.
Bukod dito, ang memo ni Santos ay taliwas din sa Bureau of Customs (BOC) Memorandum Order (CMO) No. 11-2016, na nagsasaad na: “foreign vessels may now dock and its cargoes handled and cleared at the Sub-port of North Harbor.”
Taliwas umano ito sa CMO No. 12-2016, na kinabibilangan ng guidelines na nakasaad ang: “prepare and allow MNHPI to accept, handle and store import, export and transshipment cargo, and to equip it with necessary facility to operate as an international port.”
Ang naturang customs orders ay naunang inisyu alinsunod sa mandato na iginawad sa Bureau of Customs ng R.A. 10668 at IRR na parehong aprubado ng Department of Transportation and Communications (DOTC), ang tumatayong mother agency ng PPA; Department of Finance (DOF), Department of Justice (DOJ) at Department of Trade and Industry (DTI).
Bago isinampa ang reklamo, nagpadala ang MNHPI ng liham sa PPA, nakasaad na sa ipatutupad na mga bagong batas, ang MNFPI ay mayroon nang malinaw at legal na karapatan para makapag-operate bilang isang international port.
Ang R.A. No. 10667, o ang “Philippine Competition Act” ang nagpo-promote ng “free and fair market competition” at hindi pumapayag sa ano mang anti-competitive activities. Itinataguyod din nito ang patas na labanan sa pagitan ng major port operators sa Port of Manila.
Ang R.A. No. 10668, o ang “Foreign Ships Co-loading Act” naman ang nag-alis sa naunang cabotage restrictions at nagbigay pahintulot sa foreign ships na makapasok at makipagkalakal sa kanilang napiling port of destination.
Ang mga nabanggit na batas ay ipinasa noong July 21, 2015, at pinuri ng nakararami dahil inayos nito ang system sa port at shipping industry. Ang mga batas na ito ay inaasahang magpapasigla sa kompetisyon at economic growth at magpapababa sa mga gastusin ng mga negosyante at consumers.
Ayon sa ilang source sa PPA, may namumuong awayan ang mga opisyal dahil sa memo na inisyu ni Santos, ang OIC na nagawang baliktarin ang IRR na aprubado ng apat na government agencies at binuo matapos ang sampung-buwan konsultasyon.
Agaran din inilabas bago magpalit ang administrasyon nang walang pasabi sa PPA board na binubuo ng siyam na miyembro na umaakto sa lahat ng mga major policy decisions tulad ng kaso sa Manila North Harbor.
HATAW News Team