Manong Ernie pumanaw na (Sa multiple-organ failure)
hataw tabloid
June 21, 2016
News
DALAWANG beses inilagay sa half-mast ang bandilang Filipino ng Office of the Senate Sergeant-At-Arms habang umulan ng pakikiramay mula sa mga kapwa senador nang mapabalita sa social media na patay na ang dating Senate President na si Sen. Ernesto Maceda.
Pero nanatiling nasa kritikal na kondisyon ang Senador.
Ngunit dakong 9:45 pm inilinaw ng manugang ni Maceda na tuluyan nang pumanaw ang kanilang ama sa St. Luke’s Medical Center, sa Quezon City.
Sa impormasyon mula sa pamilya ng dating senador, si Maceda ay kinabitan ng ‘life support’ ngunit dakong 8:45 pm tuluyan nang pumanaw ang Senador dahil sa multiple organ failure.
Nauna siyang sumailalim sa gall bladder operation nang ma-stroke nitong nakaraang linggo.
Sa panayam kay Atty. Erwin Maceda, itinanggi niyang binawian na ng buhay ang kanyang ama ngunit aminadong nasa kritikal na kondisyon ang dating senador.
Ilang senador na ang nagpahayag ng kanilang pakikiramay sa internet makaraan mabasa ang mga balita.
Sa kanyang twitter account, sinabi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, “My deepest sympathies to the family and loved ones of Former Senate President Ernesto Maceda. May his soul rest in peace.”
Habang sa tweet ni Sen. Juan Edgardo Angara, sinabi niyang “RiP manong Ernie Maceda. Former senate president and contemporary of my father.”
Maging ang Office of the Senate Sergeant-At-Arms ay nalito rin sa tunay na kondisyon ni Maceda, at inilagay ang bandila sa half-mast nang dalawang beses.
Si Maceda ay nahalal sa Senado sa unang pagkakataon noong 1971 ngunit humiwalay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos nang magdeklara ng Martial law, at umalis ng bansa.
Bumalik siya sa bansa at tumakbo sa administration ticket ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1987 senatorial elections.
Siya ay naging Senate President mula 1996 hanggang 1998.