Pasay Barangay Captain kinondena
Amor Virata
June 12, 2016
Opinion
SENTRO ng komento sa facebook ng mga residente ng Pasay ang isang barangay captain sa kanilang lungsod matapos i-post sa facebook ang kanyang nahuling menor de edad dahil sa curfew.
Pinutakti ng komento ng concerned citizens ang nasabing larawan na post ng nasabing barangay captain. May nagkomento na bobo si kapitan, isa na ang inyong lingkod!
***
Hindi naman kriminal ang nasabing menor de edad, na-curfew lang. Hindi man lamang tinakpan ang mukha ng bata. Isang pagyayabang na maituturing ang naging aksiyon ni Kapitan. Kung tayo ang nasa lugar ng magulang ng nasabing menor de edad, sasampahan naming ng kaso si Kapitan! Hindi ba niya alam, ignorance of the law excuses no one? Sana man lang ay tinakpan ang mukha ng menor de edad.
***
Anong kahihiyan ang idinulot ni kapitan sa batang menor de edad? Ang pagpo-post ba ng larawan ay pagdisiplina sa kabataan na mahuhuli sa curfew? Isa lang ang masasabi naming kay Kapitan, BOBO ka nga! Magulang din ako. Maganda sana ang iyong ginawa, pero hindi mo alam ang batas! Mas mabuti pa ay mag-aral ka muna sa mga barangay tanod mo!
Pasukan na naman
Muli na namang magbubukas ang mga eskuwelahan sa June 13. Excited ang mga estudyante na muling pumasok sa eskuwelahan. Pero ilang buwan pa lang gusto nang hatakin ang bakasyon, lalo na kung laging pagod, at marami ang assignments na ibinigay ng kanilang guro. Masarap ang buhay ng mga estudyante, baon at pag-aaral ang tingin nila ay kanilang problema. Hindi nila naiisip na maraming nagkalat na bata sa lansangan na kahit paano ay gustong makapag-aral at makakain nang sapat pero hindi nila magawa dahil kapos ang kanilang pamilya.
***
Sana sa administrasyong Duterte ay mabago ang lahat. Dalhin sa paaralan ang mga batang yagit, dahil kapag hindi ito nangyari, ang mga batang hindi nakapag-aral paglaki ay magkakaroon ng mga anak na pareho nila na pakalat-kalat sa kalye. Hindi matatapos ang problema ng gobyerno sa mga batang lansangan. Kailangan ay mabigyan sila nang sapat na edukasyon dahil iba ang matututuhan nila sa lansangan.
Posible rin na makasama sila sa mga elementong sangkot sa iba’t ibang uri ng krimen. Dahil wala rin sa katinuan ang mga magulang, pati sila ay dadalhin sa mga lugar na hindi magiging maayos ang kalalagyan.
***
Walang silbi ang ahensiya ng DSWD kung patuloy nating makikita ang mga tagpong nagkalat ang mga batang lansangan. Ilang panahon na ba na may ahensiyang ganito, ngunit hindi nababago ang lahat! Sino ba ang dapat sisihin, ang gobyernong nagpabaya na ang pinakahuli ay administrasyong Aquino? Sana makita ito ng susunod na Pangulong Rodrigo Duterte!