NATUTUWA si Allen Dizon na maging bahagi ng anniversary presentation ng Maalaala Mo Kaya. Ang naturang MMK 25th Years Anniversary Opening Salvo ng programa ni Ms. Charo Santos-Concio ay mula sa pamamahala ni Direk Dado Lumibao.
Shot entirely sa Pagadian City, Zamboanga Del Sur, tampok din dito sina Princess Punzalan, Peewe O’Hara, Abby Bautista, at iba pa. Mapapanood na ito ngayong Sabado (June 4), 8:15 pm.
Sinabi ng award-winning actor na maayos ang naging trabaho nila dahil magagaling at professionals ang kasama niya rito.
“Magagaling at lahat professionals, walang maarte sa mga actors na kasama ko dito sa Maalaala Mo Kaya. Si Ms. Princess Punzalan, magaling at masarap siyang katrabaho,” esplika ni Allen.
Dagdag pa niya, “Marami na rin po akong beses naging guest sa MMK. Iyong last ko na nag-guest dito, last year pa and masayang-masaya ako kapag nagiging guest sa MMK. Lalo na dito sa role ko ngayon sa Batang Samal episode.”
Ayon pa kay Allen, espesyal daw talaga kapag nagiging guest siya sa naturang show sa Kapamilya Network.
“Iba kasi kapag MMK, kumbaga ay espesyal talaga. Minsan-minsan lang din ito na maging part ka ng show. Maraming tumatangkilik sa MMK lalo na at 25th anniversary nila ngayon, kaya masaya ako at nagpapasalamat sa kanila. Sana abangan ito ng mga manoood.”
Ano ang comment mo na after kang mag-Doble-Kara ka, lumabas ka naman sa Princess in the Palace, at ngayon ay sa MMK naman?
Sagot niya, “Medyo nagkasabay-sabay ang mga projects lately pero managble naman. ‘Tsaka sa doble kara bumalik lang character ko noong medyo nababaliw na si Lucille (Carmina Vilalroel). Sa Princess in the Palace naman, happy ako kasi kahit pa-ending na ay napasali ako sa show. Masaya silang katrabaho nag-enjoy ako. “Masayang-masaya ako sa career ko ngayon at sa mga projects na napupunta sa akin.”
Bukod sa TV, si Allen ay laging in-demand sa pelikula. Ginagawa niya ngayon ang Area mula BG Productions with Ai Ai delas Alas, mula sa pamamahala ni Direk Louie Ignacio. Natapos na niya ang Sa Iadya Mo Kami na reunion movie kina Direk Mel Chionglo at Ricky Lee. Tampok din dito sina Eddie Garcia, Aiko Melendez, Ricky Davao, at Diana Zubiri.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio