PDEA takot nabuwag kaya tumira ng shabu!
Almar Danguilan
May 17, 2016
Opinion
NANG manalo sa pagkapangulo ng bansa si Davao City Mayor Rody Duterte, malakas ang sabi-sabi na bubuwagin na ng president-elect ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ganoon ba? Bakit naman? Ikaw Pareng Jimmy Mendoza, ano sa palagay mo ang dahilan ng kumakalat na balitang bubuwagin na ang ahensiya? Gulat si Jimmy nang tanungin natin nang personal sa kanya.
Ang sagot at pagtatanggol ng mama ay malabong mangyari iyan dahil ang PDEA daw ang pinakaama ng lahat na anti-drugs unit. Kung wala raw kasing permiso mula sa PDEA ay hindi puwedeng manghuli ang iba’t ibang unit ng anti-drug force.
Tama si Pareng Jimmy – kinakailangan ngang may permiso mula sa PDEA ang bawat unit bago sumalakay.
Pero kung iyon lang naman pala ang role ng PDEA, aba’y nararapat lang pala na buwagin ang ahensiya. Approval lang pala para sa operasyon ang trabaho ng ahensiya.
E kung approval lang naman siguro ang pag-uusapan ngayo’y siPDU30 na ang uupo, e ‘di Palasyo na lang ang mag-approve ng mga operasyon. Kaya nararapat ngang buwagin ang PDEA. Sayang lang ang milyon-milyong pondo para sa PDEA.
Bukod dito, matagal-tagal na rin walang huling malalaking isda ang PDEA, talo pa ng mga anti-drug units ng PNP. Samantala, noong bagong tatag ang PDEA, left and right ang huli. Malalaking isda ang nalalambat pero ngayon ay tameme na. Marami o may mga opisyal na’ng taga-PDEA na nasasabit sa droga.
At heto nga, dahil sa maugong na bubuwagin na ang PDEA, mistulang natakot ang mga nakaupo dito na mawawalan sila. Mawalan ng ano? Kaya, nagpakitang gilas sila kay PDU30. Oo sa takot na tuluyan silang mawala at mawalan. Mawalan ng ano nga?! Nawalan ng ano Pareng Jim?
Yes, yes, yes, sa takot na mabuwag este, hayun nagpakitang gilas nga ang PDEA. Hindi naman, talagang nagtatrabaho ang PDEA. Tama! Iyan ay noong panahon ni Director Santiago.
Anyway, infairness sa PDEA, hindi matatawaran ang huli nila kamakalawa – umaabot ito sa P350 milyon. Ayos ha! Puwede naman pala manghuli nang malakihan ang PDEA. E ba’t ngayon lang ulit.
Takot n’yo lang mabuwag.
Okey, umaabot sa 60 kilong high grade shabu ang nakompiska ng PDEA sa tulong ng PNP sa kanilang isinagawang buy-bust operation laban sa isang grupo ng sindikato sa Sta. Maria, Bulacan.
Ang mga naaresto o ang grupo raw ang responsable sa pagkakalat ng droga Bulacan, San Fernando, Pampanga, Olongapo at Metro Manila.
Mabuti naman at kahit nagpakitang gilas lang ang lahat este, hindi naman pakitang-gilas ang operasyon – ito ay masasabing malaking trabaho pa rin. Kaya kahit na paano ay batiin natin ang PDEA sa kanilang accomplishment.
Lamang, sana’y masundan pa ito dahil patuloy na nanganganak ang drug dealers kahit hindi naman sila babae.
O sige PDEA Dir. Arturo Cadac, trabaho pa! Wala pa rin kayong sinabi sa huli ng QCPD-District Anti-Illegal Drugs at NCRPO-Regional Anti-Illegal Drugs.
Mr. Cacdac, tira pa! Darating na ang kamay na bakal!
O baka naman kaya mas madali yatang mag-impake?
Hehehehe…