Suporta kay Digong ‘di lang sa balota
Almar Danguilan
May 12, 2016
Opinion
MAY bago na tayong pangulo ng bansa – si dating Davao City Mayor ngayon ay Pangulong Rody Duterte matapos ihalal ng nakararaming Filipino nitong nakaraang Mayo 9, 2016.
Congratulations Mayor, mali Pangulo pala.
Milya-milyang boto ang distansya ng pag-iwan ni Duterte sa kanyang mga naging katunggaling sina Sen. Grace Poe; dating DILG Sec. Mar Roxas; Vice President Jejomar Binay; at Sen. Miriam Defensor.
Kung susuriin ang puntos ni Duterte na mahigit sa 15 milyon, isa lang ang ibig sabihin nito, malaki ang tiwala sa kanya ng sambayanan – malaki ang inaasahan ng taumbayan na pagbabago hindi lang para sa bansa kundi para sa bawat indibiduwal.
Sana, hindi bibiguin ng ating bagong pangulo ang sambayanan na naghahanap na tunay na pag-asenso. Hindi kasi tulad ng nagdaang administrasyon na masasabing nabigo – marami pa rin ang naghihirap.
Ibinoto nila noon si PNoy sa pag-aakalang giginhawa o aasenso ang buhay ng bawat Pinoy pero hindi naman pala at sa halip ang administrasyon ay pulos paghihiganti ang ginawa o paninisi sa PGMA administration.
Pulos paninisi sa Arroyo administrasyon si “Boy Sisi” lalo na kapag pumapalya ang kanilang plano o proyekto para sa mamamayan.
Oo nga’t may mga napakulong si PNoy – aniya’y mga tiwali, kabilang sina Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile pero, kapag mga kaalyado niya ang sabit, ito ay kanyang ipinagtatanggol o pinagtatakpan.
Ngayon bago na nga ang Pangulo natin, huwag natin masyadong iasa ang lahat kay Mayor este, presidente Duterte. Hindi porke ibinoto n’yo o natin siya ay ibig sabihin ay magsosolo na siyang “kayod kalabaw.” Dapat ay kung ano ang ginawa ninyong pagkakaisa sa pagboto kay Digong ay nararapat na mananatili ang pagkakaisa – suportahan ang bawat kampanya ng Pangulo para sa bawat Filipino.
Sa ngayon, binubuo na ng bagong Pangulo ang kanyang mga gabinete – may napili na siyang mga pagkakatiwalaan – well, sana sir ay hindi po kayo magkamali sa pagpili at higit sa lahat ay hindi kayo magaya sa papalitan ninyong pangulo na kulang na lamang ay halikan sa puwet ang kanyang mga alipores na nasasabit sa alomalya sa pagtatanggol sa kanila.
Ibig sabihin Mr. President (gentleman from Davao City), sana kapag may mga gabinete kayong palpak o magiging sagabal sa inyong pagpapaasenso sa Pinas, ito ay iyo ring parusahan. ‘Ika nga ‘wag gayahin ang papalitan ninyong pangulo na nanalo dahil lamang sa kanyang inang namatay na si Kagalang-galang na dating Pangulo ng bansa na si Cory Aquino.
Sa palagay n’yo kaya, kung hindi naman noon si Pangulong Cory, at tumakbo si Noynoy sa pagkapangulo, mananalo kaya ang mama? Malabo yata.
Anyway, mula sa araw na ito ay masasabing isa’t kalahating buwan na lang si PNoy sa trono ng Malacañang. Bilang na ang mga araw niya kaya, huwag niya at ng kanyang mga alipores sayangin ang bawat segundo – oo, dapat galingan nilang ‘linisin’ ang Palasyo o ang iiwanan nilang gobyerno dahil kapag may makita o matuklasang baho (iyan lang naman ay kung mayroon) na maiiwan nila, tiyak may paglalagyan sila kay Pangulong Duterte – maaaring ihahalo sila sa ‘haybols’ nina Bong at Jinggoy sa Kampo Crame. Hahahaha. Malamang iyan.
Uli Mayor este, Pangulong Duterte, malaki po ang bilang ng boto sa iyo, ibig sabihin ay malaki rin ang inaasahan sa inyo ng masa. Naniniwala po kami na ito ay inyong maibibigay. At sa mga bumoto naman na 15 milyong katao, hindi lang po hanggang balota ang pagsuporta natin kay Pangulong Digong kundi – para makamtam ang lahat ay kinakailangan, anim na taon din natin suportahan ang bagong pangulo.