HINDI ko alam kung magkano ang sinasabi sa mga press release na kinita ng pelikula nilang This Time, pero naniniwala kami na ang pelikula ay isang malaking hit, dahil na rin sa aming experience.
Dalawang beses kaming nagbalik sa sinehan para makapanood lang. Noong una kasi, halos isang oras pa bago ang kasunod na screening, wala nang maibenta sa aming tickets dahil puno na raw. Kaya ang ginawa namin, bumili na kami ng ticket para sa kasunod pang screening dahil kung hindi sayang naman ang aming pagod ng pagpunta sa mall para manood ng sine. Wala naman kaming balak manood ng iba dahil sa kamahalan ng admission prices ng sinehan ngayon, talagang isang sine lang ang pinanonood namin sa isang linggo. Gusto kasi namin na nagbabayad kami talaga sa panonood ng sine at hindi gumagamit ng kahit na anong card para makalibre. Alam naming milyones din ang puhunan sa isang pelikula.
Nang magbalik kami para sa screening, ang haba naman ng pila niyong mga papasok sa sinehan. Nakapasok din naman kami, pero talagang punopuno ang sinehan. Mabuti at medyo gabi na dahil kung hindi, baka sa rami ng tao at sa init ng panahon, mainit din sa loob ng sinehan.
Kung ganyan ang nakikita mong nanonood ng isang pelikula, at makikita mo naman sa kanilang reaksiyon na sila ay fans talaga ng mga artista, aba eh ano man ang sabihin ng iba naniniwala kaming iyan ay isa ngang malaking hit.
Noong sumunod na araw, nadaan ulit kami sa isang mall, at nakita namin muli ang mahabang pila ng mga taong may hawak na tickets at papasok din sa This Time. Ibig sabihin talagang malaking hit sila base sa dalawang araw. Pero maganda naman iyong pelikula eh. Rated A pa nga. Kaya siguro naman tatagal iyan.
HATAWAN – Ed de Leon