‘Wag ibenta ang boto
Percy Lapid
May 8, 2016
Opinion
SA isang pagkakataon lang nagiging pantay-pantay ang karapatan ng mayaman at mahirap, iyan ang araw ng halalan.
Bawat mamamayan na nasa hustong gulang ay binigyan ng karapatan ng Saligang Batas na ihalal ang kanyang kursunadang maging pinuno.
Sagrado ang karapatang ito, hindi biro, at lalong hindi dapat ipagbili na tila isang produkto.
Bukas ay iboboto natin ang susunod na mamumuno sa ating bansa, magiging mambabatas at lokal na opisyal.
Tatlo hanggang anim na taong kapalaran ng bansa ang ipinagkakatiwala sa kamay nating mga mamamayan kaya’t ‘yung mga karapat-dapat sa ating pagtitiwala ang dapat nating piliin na iluklok sa puwesto.
Huwag natin pairalin ang panandalian lang at pansariling pangangailangan sa buhay o takot sa isang kandidato para ibenta ang boto sa kanila.
Ang sinomang kandidato na binibili ang ating boto ay walang layuning magsilbi sa bayan, o gumawa ng tama kundi magnakaw.
Ang itinakda niyang presyo para sa ating boto ay katumbas ng halaga ng isang paninda na kapag nabayaran na ay puwede na niyang gamitin at hindi na puwedeng makialam ang nagbenta sa kanya.
Ang mismong pagbili ng boto ay korupsiyon na at kapag ibinenta natin sa kanya ito, kasabwat na niya tayo sa lahat ng uri nang pagsasamantala sa kapangyarihan at pagnanakaw sa kaban ng bayan na kanyang gagawin kapag nakapuwesto na.
Gusto ba nating maging kakutsaba sa pagpapahirap sa bayan at pagpapasasa ng tiwaling opisyal ng pamahalaan?
Hindi tayo dapat palinlang sa kandidato na ang puhunan lang ay popularidad pero ang track record ay mas mabaho pa sa pusali.
Ang dapat natin maging batayan sa pagpili ng iboboto ay mga kabutihang nagawa ng isang kandidato na pinakinabangan ng bayan, hindi lang ng kanyang angkan.
Payo nga ng nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo Lim, tanggapin ang pera pero iboto ang karapat-dapat.
Pangingikil sa vendors tatapusin ni Mayor Lim, balik sa P20 ang bayad
NAGPAPAKALAT ng maling impormasyon ang mga katunggali nang nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo Lim na kesyo palalayasin daw ang mga vendor kapag siya ay nanalo.
Mahaba ang record ni Lim kung pagtatanggol sa maliliit ang pag-uusapan kaya ito ay isang desperadong paninira lang ng kampo ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada dahil sa napipintong pagbagsak ng kanyang political dynasty.
Ang sabi ni Lim, ibabalik niya sa dati o P20 ang halaga ng bayad sa vendors at ilalagay sa ayos ang kanilang puwesto.
Ibig sabihin, hindi na nila kailangan magbayad ng P160 kada araw para lang ipaghanapbuhay ang mga kampon ni Erap na nagpapatakbo ng AL2FEREX sa Carriedo at Sto. Niño de Tondo Management and Consultancy Corporation sa Divisoria na nangongolekta sa kanila pero hindi naman ipinapasok ang kuwarta sa kaban ng City Hall kundi sa bulsa ni mayor.
Sa madaling sabi, tatapusin ni Lim ang pagpapahirap sa mga vendor, pati na ang mga sidecar driver at tricycle drivers na nagbabanat ng buto para mabuhay.
“Welfare City” ibabalik; 300% tax aalisin ni Lim
SA administrasyong Lim ay naging “Welfare City” ang Maynila, libre ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon, ang dalawang pangunahing pangangailangan ng mamamayan na dapat ay walang bayad na naipagkakaloob ng pamahalaan.
Naging bantog si Lim sa pagbibigay ng libreng “from womb to tomb” program bunsod ng anim na public hospitals sa Maynila na ang lima ay kanyang naipatayo, at walang babayaran ang isang Manileño dahil libre at walang bayad ang serbisyo ng doctor pati ang laboratory tests at gamot.
Bukod diyan, may 49 pang medical center at clinics na kanyang naipatayo, maliban pa sa regular medical mission sa mga barangay.
Ang edukasyon ay wala rin bayad mula kindergarten hanggang kolehiyo.
Sa kanyang unang termino bilang alkalde naipatayo ang City College of Manila na ngayo’y Unibersidad de Manila (UDM) bilang ayuda sa nauna nang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), kaya nakapagtapos sa kolehiyo nang walang gastos ang isang taga-Maynila.
Marami nga ang nagtataka kung bakit sa kabila nang hindi itinaas ni Lim ang buwis sa Maynila ay naipagkaloob pa niya nang libre ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon.
Si Lim ang simbolo ng isang opisyal ng pamahalaan na ang interes ng mamamayan ang prayoridad, hindi pa ipinagyayabang ang kanyang mga nagawa at walang mantsa ng katiwalian.
Ultimo ang ibinibigay na pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa Office of the Mayor ay inilagak ni Lim sa kaban ng Maynila para idagdag sa healthcare fund.
Sa kabila ng mga libreng serbisyo ay nakapag-iwan pa si Lim ng mahigit P1.5 bilyong cash na pondo ng lungsod.
Lahat ng mga benepisyong tinamasa ng mga Manileño ay ibabalik ni Lim at daragdagan pa ng pabahay na kanya namang pagtutuunan ng pansin.
Babawiin din niya ang mga ari-arian ng lungsod na ipinagbili at isinapribado ng administrasyon ni Erap.
Ang pagbabalik ni Lim sa Maynila ay katumbas ng pagbabalik sa dignidad ng isang Manilenyo na ‘ninakaw’ ng isang dayuhang taga-San Juan City.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]