TALK about morning programs. Ang unang nagsimula ng showbiz morning talk show noong araw ay si Kuya Germs. Nang matapos iyon, sumunod naman iyongKatok Mga Misis ng yumao na ring si Giovanni Calvo. Iyon naman ang sinundan ng Sis nina Janice de Belen, Gellie de Belen, at Carmina Villaroel. Kung iisipin mo, iyang GMA 7 nga ang naging pioneer sa morning talk shows. Dati kasi iyang umaga, ang palabas lang talaga sa TV ay cartoons.
Doon naman sa ABS-CBN, siguro nga ang masasabi nating longest running morning talk show ay nagawa nila mula noong 1991 hanggang 1997, iyong Teysi ng Tahanan na ang host ay ang komedyanteng si Tessie Tomas. Mataas ang rating niyang Teysi ng Tahanan, hanggang sa ang host nga mismo ang nagpasyang gusto muna niyang magpahinga. Nagkaroon din ng morning show si KC Concepcion na hindi rin naman tumagal. Tapos ang showbiz tsismis host na si Kris Aquino na ang kanilang inilagay.
Doon naman sa TV5, isa sa show nila na naging kontrobersiyal at pinanood ng mga tao talaga ay iyong Face to Face na hino-host noon ni Amy Perez. Kung natatandaan ninyo, doon din nagkaroon ng TV exposure at sumikat si PAO ChiefPersida Acosta. Pero nagpalipat-lipat kasi ng oras, bumaba ang ratings.
Ngayon sagupaan na naman sila sa morning show. Nasa kabila si Jolina Magdangal, kasama si Melai Cantiveros at ang nanay ni Daniel Padilla na siKarla Estrada.
Sa GMA naman, isinabak nila sa morning show ang sinasabi nilang prime time queen nila na si Marian Rivera roon sa Yan ang Morning. Napanood namin iyong trailer na ipinalalabas nila. Iba’t ibang segment din naman iyon, May entertainment, may lifestyle at iba pa. Hindi kami magtataka kung isang araw ay nariyan na rin si Boy Logro para magturo ng cooking.
Sino kaya ang mananalo sa kanilang dalawa ngayon?
HATAWAN – Ed de Leon