MAY nagsabi sa amin, kung iyan daw mga artistang tumatanggap ng milyon-milyong pisong bayad mula sa mga politikong ikinakampanya nila ay patuloy na magsisinungaling at sasabihing hindi sila binayaran, malamang pagdating ng araw ma-trouble sila.
Sa nangyayaring controversy ngayon sa ating bansa dahil sa money laundering mula sa perang ninakaw sa Bangladesh, aba binabantayan ng awtoridad lahat ng mga banko. Paano kaya nila ipaliliwanag kung saan nanggaling ang kanilang pera lalo na iyong tumanggap ng P100-M bayad? Kung ang mananalo ay ang mga manok nila, na mukhang napakalabo naman, baka lusot sila. Pero kung ang mananalo ay ang mga kalaban nila, which is most likely, aba maaaring tanungin sila kung saan nanggaling ang pera nila.
May batayan para sabihing iyon ay doubtful income. Una, magkano ba ang kanilang idinedeklarang talent fee sa mga show nila?
Mapagbabasehan ang dati nilang income tax. Kung hindi nila aaminin na galing iyan sa mga trapo, saan manggagaling iyan? Sa juetengan ba o sa droga?
Kaya iyang mga artistang iyan na nagmamalinis pang hindi sila tumanggap ng payola sa mga kandidatong inendoso nila, kahit na common knowledge na nga kung magkano ang tinanggap nila, at kung sino ang mga “go between” kaya nila nakuha iyon, delikado sila, lalo na nga at obvious din na walang nagawa ang popularidad nila para sa mga kandidato nilang dehado sa laban.
Itong sa amin naman ay paalala lang, kasi minsan ang mga taong ganyan, tanggap lang ng tanggap at hindi iniisip kung ano ang kanilang nasusuotang problema. Masarap lang iyan habang tinatanggap mo. Kung nagkakatanungan na, umpisa na ng hirap.
HATAWAN – Ed de Leon