Bakbakan ng mga konsehal sa Pasay
Mario Alcala
April 28, 2016
Opinion
TATLO sa mga kandidatong konsehal sa lungsod ng Pasay ang siguradong pasok na sa ‘magic 6’ ayon sa nakalap nating impormasyon.
Sila ay sina Moti Arceo, Onie Bayona at Allan Panaligan.
Sina Arceo at Panaligan ay incumbent city councilor candidates sa 2nd district ng Pasay.
Ang kaibigan nating si Bayona ay binalikan ang dati niyang baluwarte sa Pasay. Nakapagtala na rin si Bayona ng dalawang magkakasunod na termino o panalo para siya ay makatuntong sa bulawagan ng Sangguniang Panlungsod ng Pasay. Kaya pamilyar na pamilyar na ang kanyang pangalan sa mga botante.
Si Arceo ay naka-ticket sa “very strong” na Calixto Team, samantala si Panaligan na minsan nang umaktong mayor sa Pasay ay nakaangkla ang kapalaran sa isang opposition candidate.
Sa kasaysayan ng politika sa Pasay, mahaba na rin ang naging karanasan ni Arceo lalo na sa usapang konsehal. Kumbaga sa Texas na manok, magaling at laging mabango ang pangalan ni Arceo sa ikalawang distrito ng Pasay.
“Stadium” sa Munti pinasinayaan
ISA sa pinakalamaking gymnasium sa Muntinlupa ang pinasinayaan kahapon, Abril 27 sa Muntinlupa National High School sa Barangay Poblacion.
Ang inagurasyon ay pinangunahan ni Mayor Jaime Fresnedi at ni Congressman Rodolfo Biazon. Ang pagbubukas ng may 2,520 square meters na gymnasium ay isa sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Halos kasinlaki ng limang basketball court. Dumalo rin sa inagurasyon ang Schools Division Superintendent sa Muntinlupa na si Dr. Mauro de Gulan, MNHS principal Dr. Florante Marmeto, mga lokal na opisyal, at iba pang school administrators sa Munti.
Hinahamon ang marshall ng PNP
KAMAKALAWA, isang pampasaherong bus ang hinoldap ng ilang armadong holdaper na ilan sa mga pasahero ay inagawan ng mga kagamitan, pera at alahas.
Ang robbery holdup ay naganap sa EDSA sa bahagi ng Pasay.
Matapos ang robbery holdup nakita sa surveillance CCTV camera na tumatawid ng Rodriguez overpass ang mga walanghiyang holdaper na dala-dala ang mga ninakaw na kagamitan ng mga naging biktima.
Ang overpass sa Rodriguez sa EDSA sa Pasay ay madalas maging gateaway ng mga tulisan sa kalsada lalo na nang grupo ng mga robbery gang.
Nang konsehal pa si Bayona, isa sa naging panukala niya ay lagyan ng ilaw at police outpost ang bawa’t overpass sa EDSA sa Pasay. Natupad ang kanyang panukala. Nagkaroon ng outpost at pulis sa overpass.
Nang magbago ang ihip ng hangin, naglaho ang police outpost partikular ang nasa overpass ng Rodriguez. Nagbalik ang mandarambong sa nasabing lugar.