Duterte nahihibang ba? At kampihang birada vs Erapa
Almar Danguilan
April 17, 2016
Opinion
ANIM na buwan lang, lutas na ang problema sa kriminalidad sa bansa.
Iyan ang salitang panliligaw ni presidential bet Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte sa mga botante para manalo.
Ayos ha!
Pero ano ang mga komentong nahihibang na raw si Duterte tungkol sa ipinaparada niyang “kaayusan at kapayapaan” sa lungsod na kanyang nasasakupan sa Region XI sa Mindanao.
Sinasabi ni Duterte na kapag nakapuwesto sa Palasyo ng Malakanyang gagawin niya para sa bansa kung ano ang kanyang mga ginawang kampanya laban sa kriminalidad sa Davao City.
Ngunit paano maipapaliwanag ni Duterte na base sa datos ng Philippine National Police – Women’s and Children Protection Center (PNP-WCPC) noong 2013, nagtala ang Region XI ng kabuuang 424 rape cases na 170 dito ang naireport na nagmula sa Davao City?
Sa dinami-dami ng rape cases sa buong Filipinas, pumang-anim pa ang Davao region. At halos kalahati ng rape cases ay galing sa lungsod Davao.
Hindi pa rin nakontento ang mga rapist sa Davao City. Dahil pagkalipas ng isang taon, higit pang tumaas ang mga kaso ng pangagahasa sa siyudad na ipinagmamalaki ni Duterte na umiiral ang peace and order.
Ayon sa Davao City Police Office (DCPO), tumaas ng 128.24% ang rape cases mula Enero hanggang Disyembre noong 2014 kung ikokompara sa datos ng 2013.
Lumitaw na mula 170, pumalo pa ang rape cases hanggang 218. Sa datos, 166 ang minor victims habang 52 ang adult. Noong 2013, 129 ang minor samantala 41 ang adult.
Sa pinakabagong inilabas ng PNP na Chartered Cities Nationwide Index Crimes sa kanilang official Facebook Page, lumitaw na No.2 ang lungsod ni Duterte na may kabuuang 843 recorded incidents ng rape mula 2010 hanggang 2015. Dinaig pa ang Maynila na mayroong 746 (No.3).