Galit ng 40k mahihirap sa CC, ipadarama; at Ali choice ng Manilenyo
Almar Danguilan
April 12, 2016
Opinion
TINAWANAN Ng grupong Maralitang Tagalungsod ng Kalookan (MaTaKa) ang mga survey na ipinakakalat ng ilang kakampi ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan na tiyak na magwawaging landslide si Liberal Party (LP) presidential bet Manuel “Mar” Roxas sa Caloocan City.
Kaya lang ang tanong ay makatotohanan ba ang survey o peke?
Ayon kay MaTaKa Chairman Elmer Cruz, ang totoo ay pang-apat lamang si Roxas sa lungsod at ang nangunguna ay si Sen. Grace Poe, pa-ngalawa si PDP-Laban Rodrigo Duterte at pa-ngatlo ay si UNA presidentiable Jejomar Binay.
“Kahit araw-araw magpalabas ng press release si Mayor Oca na nangunguna siya sa survey, walang maniniwala sa kanya dahil batid ng mga botante na nambobola na lang siya,” giit ni Cruz.
Ngunit ano ito? Ang alin? Totoo ba ang mga sabi-sabi sa lungsod na ang inililigaw ng ilang kakampi ng LP, ay si Sen. Bongbong Marcos sa pagka-bise president kapalit ni Leni Robredo?
Ano pa man, ‘ika pa ni Cruz, sa mga nangyaring pagpatay sa barangay officials, ilegal na demolisyon at marami pang krimen sa Pangarap Village ay mahihirapan nang manalo si Roxas.
Nangako rin ang MaTaKa at iba pang progresibong grupo sa Caloocan lalo sa Bagong Silang areas na matitikman nina Malapitan at Erice ang pinakamalupit na pagkatalo sa halalang ito kasama si Roxas.
Matitikman nila ang pagtutol sa kanila ng 40,000 residente ng Pangarap Village.
***
Ali Atienza, panalo na kung sakaling ngayon na raw ang eleksiyon. Ali kasi ang iboboto ng nakararaming Manilenyo upang maging susu-nod na Vice Mayor ng lungsod.
Ito ang naging pagtaya at pulso ng mga political observer batay sa kanilang mga nakikitang pagtanggap ng Manilenyo sa mga kumakandidato sa buong Maynila.
Ayon sa mga political observer at eksperto sa pulso ng masa, na kay Ali raw ang mga katangian ng isang magiging mabuting lider ng Maynila.
Una na ang karanasan at pagiging hinog sa larangan ng paglilingkod sa mamamayan dahil mula sa pagkabata ay mulat na si Ali sa pakikihalubilo sa mamamayang nangangailangan ng suporta at ayuda sa kanilang pang-araw-araw na kinakaharap na pagsubok sa buhay.
Si Ali ay nanilbihan bilang Brgy. Captain at naging No.1 Councilor sa 5th District noong 2013. Naging Chairman ng Manila Inner City Development, at Manila Employment Committee. Siya rin ang dahilan upang lumiwanag ang Maynila, kasi pinailawan niyang lahat ang mga parke at kalsada noong panahong ang kanyang ama na si Lito Atienza ang Mayor ng Maynila.
Libo-libong trabaho rin ang naitulong ni Ali sa mga Manilenyo at ang hindi makalilimutan ng mamamayan ay ‘yung pagbibigay niya ng bigas o “rice subsidy” sa mga estudyante sa public schools at day care centers.
Itinaguyod ni Ali ang sports sa pamamagitan ng Manila Sports Council, Manila Marathon, at Manila Youth Games at iba pa. Kinilala si Ali bilang Champion ng Taekwondo. Marami sa mga sumikat na ngayong manlalaro ay nagmula kay Ali.
Si Ali ang nagdala ng karangalan sa Filipinas. Nag-iisang Gold Medalist sa 1994 Asian Taekwondo Championships, at marami pang mga naipanalo sa South East Asian TKD at South East Asian Games.
Sa sorties ni Ali, kitang-kita ang kagustuhan ng Manilenyo na iluklok na siya bilang Vice Ma-yor. Nasasabik na raw sila na maramdaman kay Ali ang tunay na pagmamalasakit sa mahihirap at sa mga kabataan.