HINDI naman daw flop iyong naging concert tour ni Alden Richards sa Canada, sabi ng mga producer niyon na siya rin palang may-ari niyong Palabok House Restaurant sa Edmonton, Alberta.
Matapos sigurong makarating sa kanila iyong balita na nagsisisi umano sila nang kunin nila si Alden, gumawa naman siya ng social media post na nagsasabing hindi totoo iyon.
Hindi lang pala isang show iyong Bae in the City. Mayroon pa pala sila sa Winnepeg at Vancouver bukod sa Edmonton. Ibig sabihin tatlong shows iyon. Inilagay naman daw iyon sa mga disenteng venue, hindi rin naman totoo iyong paninira na sinasabing si Alden ay nag-show lamang sa isang carinderia dahil ang pangalan nga ay Palabok House. Ipinakita sa amin pati na ang menu roon sa Palabok House, mukhang malaking restaurant naman iyon base sa kanilang menu at saka hindi naman doon ginawa ang show.
Isa pa, mura lang naman ang tickets. Ang pinakamahal ay 100 Canadian dollars lamang. Tapos may 78 dollars at iyong general admission nila ay 58 dollars lang. Hindi kamahalan ang ganyang halaga ng show sa Canada, at marami silang nakalistang outlets. More or less, kabisado nila ang gumawa ng isang show at palagay namin kumita naman sila.
Huwag naman ninyong ikompara ang concert ni Alden doon sa halimbawa ay concert ng Koreanong si Rain sa Madison Square Garden. Ibang klase naman iyon dahil talaga namang performer si Rain. Iyon lamang makapag-concert si Alden kahit na sa abroad, at iyon lamang kumita ng ganoon ang CD niya, ok na iyon dahil hindi naman siya singer talaga. Cute lang.
Hindi naman tayo dapat maghanap ng kung ano-ano pa sa concert ni Alden. Salamat na nga lang nakakakanta siya kahit na paano. Hindi naman sinasabi ni Alden na talagang concert artist siya. At saka hindi concert iyon, show lang iyon.
HATAWAN – Ed de Leon