KUWENTONG good vibes muna tayo. Ilang araw na naririnig ang kuwentong ito, pero dahil hindi namin alam ang puno’t dulo, hindi namin pinapansin. Hanggang sa makita nga namin ang isang internet post ng isangKristine Madrigal Sarmiento, na humihingi ng tulong sa sino mang nakakakilala sa actor na si Ian de Leon. Gusto raw kasi niyang personal na pasalamatan ang actor.
Sa kuwento niya, ang kanyang sampung taong gulang na anak na si Ethan, ay nahagip ng isang mabilis na motorsiklo. Nakahandusay na ang bata sa kalye, walang isa mang tumulong doon. Hanggang sa mapadaan si Ian, bumaba at tinulungan ang bata. Isinugod iyon sa emergency room ng isang ospital.
Kung iisipin mo, malaking risk ang ginawa ni Ian. Minsan iyong tumutulong lang sa ganoon sila pa ang nadedemanda. Minsan kasi sinasabi na kung hindi sila nakialam, mas hindi lumaki ang injury ng biktima. Problema rin nila kung ang biktima ay tatanggapin sa pinakamalapit na ospital na pagdadalhan. Hindi na bago sa ating pandinig na may mga ospital na ayaw tumanggap ng pasyente, kahit na emergency pa iyan kung walang pang-down payment. Lalo na nga ngayon, maraming government hospitals na ibinenta na ng gobyerno.
Pero naglakas loob si Ian, tinulungan ang bata. Sa ospital, mabilis namang inasikaso ang bata. Sigurado walang downpayment iyon, pero naisip siguro nila, si Ian ang nagdala. Kilala nila at maaari nilang mapanagot kung sakali. Ligtas na ang bata, salamat nga kay Ian.
Ewan kung nagkita na sina Kristine at Ian, pero maraming tao ang pumupuri kay Ian dahil sa kanyang ginawa sa pamamagitan ng social media.
Si Ian naman, out of his humility, hindi inangkin ang karangalan. Ang nakita naming isinulat niya sa kanyang social media account ay ”salamat po sa mga sinasabi ninyo. Pero higit sa lahat, salamat sa Diyos at ako ay ginamit Niya para makatulong sa aking kapwa”. Makikita mo ang naitanim sa kanyang isipan na deep Christian values. Iyan ang namana niya sa kanyang amang si Christopher de Leon.
Salamat nga sa Diyos.
SORRY, WALK OUT AKO
MAGKAIBA tayo ng experience Miss Glo (Gloria Galuno, managing editor ng Hataw), nang manood ng sine. Pumasok kami sa sinehan na may dalang isang litrong kape sa aming Kleen Kanteen. May dala rin kaming anim na hopia, banana chips, at bumili pa kami ng isang bucket na popcorn at isang litrong tubig.
Sisiguruhin ko sa iyo Ms. Glo, na nabasa ko at memoryado ko pa ang kuwento at mga tauhan ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Nagkaroon ako ng interes manood ng sine dahil sa post mo. Pero ang hirap maka-relate. Nakatulog ako, at nang magising may isang eksena ng tatlong bakla, na hindi ko maintindihan kung ano iyon. Comic relief ba iyon para magpatawa? Tapos may nakita pa akong tatlong tikbalang. Parang iyong sa isang classic movie, na 7th Seal na ginawa niIngmar Bergman noong 1957. Ganoong-ganoon ang eksena, pati na ang shot. Kasi pagdating namin sa bahay ay hinanap namin ang eksenang iyon sa pelikula ni Bergman. May kopya kami niyon sa DVD.
Pero sorry to say Miss Glo, walk out ako.
HATAWAN – Ed de Leon