NAMASYAL kami noong Sabado sa ilang malls at sa totoo lang awang-awa kami sa pelikulang Filipino. Nakita namin ang napakahabang pila sa pelikulang Superman, hanggang doon sa mga sinehang I Max, na napakataas ng bayad mahaba rin ang pila. Mukhang lahat na yata ng tao nagkakagulo sa mga sinehan noong araw na iyon. Ang masakit, isang pelikulang Ingles ang kanilang tinatangkilik. Labindalawang sinehan ang pinaglalabasan ng pelikulang Ingles, isang sinehan lamang at ang pinakamaliliit pa sa malls ang naglalabas ng isang pelikulang Filipino.
Bakit nangyayari ang ganyan?
Nabaliktad na natin ang ganyang sitwasyon. Noong unang bahagi ng dekada ‘70, nang umangat na bigla ang popularidad nina Nora Aunor at Vilma Santos, napasok na ng pelikulang Filipino ang mga sinehan na rati ay walang inilalabas kundi mga pelikulang Ingles. Nagpatuloy iyan hanggang sa dumating ang panahon na nakikipagsabayan na ang mga pelikulang Filipino sa mga pelikulang Ingles sa mga sinehan.
Dumating pa sa atin iyong panahon na ang mga hit na pelikulang Ingles na kagaya ng Rambo ay sinasabayan at tinatalo sa kita ng mga pelikula ni Sharon Cuneta. Walang malaking pelikulang Ingles na hindi kayang sabayan ng mga pelikula ni FPJ. Bakit ngayon balik na naman tayo sa nganga?
Dalawa ang aming nakikitang culprit. Una ay ang katotohanang ang ating mga artista ay over exposed na at napapanood ng libre sa telebisyon araw-araw, tapos sila pa rin ang lumalabas sa mga pelikula. Hindi ganyan sa ibang bansa. Sa ibang bansa, lalo na sa US, iba ang artista sa telebisyon at iba rin sa pelikula, para kumita ang dalawang industriya.
Ikalawa, naglabasan ang “masyadong magagaling na director ng pelikula”, na gumagawa ng mga pelikulang sa palagay nila ay maganda pero hindi naman ma-appreciate ng masa.
Iyan ang nakikita naming talagang problema, hindi iyong lagi nilang sinisising film piracy.
HATAWAN – Ed de Leon