HINDI na raw muna magko-concert sa taong ito si Daniel Padilla. Tama naman ang desisyong iyon. Una, wala naman siyang isang bagong album na kailangang i-promote. Wala rin naman siyang bagong single na masasabi mong naging isang malaking hit para samantalahin at gumawa ng isang concert. Higit sa lahat, masyadong naging busy si Daniel sa mga pelikula, telebisyon, at pangangampanya pa sa mga kandidato, at hindi niya masasabing may ginawa siyang pagsasanay para mas mapahusay pa ang kanyang pagkanta.
Hindi naman talagang singer iyang si Daniel. Sabihin na nga natin na naging hit ang mga ginawa niyang plaka dahil si Daniel Padilla siya, hindi dahil sa kanyang pagkanta.
Palagay din namin, kailangang pag-aralan muna nila ang talagang kalagayan at ang itatakbo pa ng career ni Daniel. Masakit pakinggan at hindi nila aaminin, pero sinasabi nga ng mga lehitimong observers na medyo bumaba ang kanyang popularidad, hindi dahil sa may ibang artistng sumikat kundi dahil may mga mali sa diskarte niya sa kanyang career. Ayaw na naming sabihin kung ano ang pagkakamaling iyon, pero isa lang naman ang malaking blunder na nagawa niya.
Minsan dapat pipiliin mo rin kung kanino ka magiging associated kung sikat ka. Chances are kung makasama ka sa mali, mababatak ka pababa lalo na kung ang masasamahan mo ay hindi trip ng masa. Alam naman ninyo ang buhay ng artista, madaling maapektuhan talaga.
HATAWAN – Ed de Leon