NATURAL lang naman siguro ang sinasabi nilang “feeling nasa cloud nine” sa ngayon ang aktres na si Barbie Forteza. Isipin naman ninyong ngayon lang siya nasabak sa isang seryosong pelikula, na indie pa at ibig sabihin ay hindi naman high budget, nanalo siyang best actress. Take note, hindi mula sa isang hotoy-hotoy na award giving body o sa isang hotoy-hotoy na film festival nagmula ang kanyang award. Nanalo siyang best actress sa Fantasporto International Film Festival sa Portugal. Isa iyan sa mga kinikilalang film festivals talaga sa buong mundo.
Major film festival iyan. Hindi iyan kagaya niyong iba na ipagtatanong mo pa na “may ganoon ba”. Kaya bakit naman hindi magmamalaki si Barbie?
Ang sinasabi ng mga kritiko rito sa Pilipinas, hindi na raw nag-improve sa kanyang acting si Barbie dahil puro pa-cute lang ang ginagawa. Eh ano naman ang magagawa niyong tao kung mga ganoong roles nga ang ibinibigay sa kanya. Siyempre sumusunod lang naman iyon kung ano ang role. Kung ano ang ipagagawa ng director, susunod lang din siya. Kaya noong makakuha naman siya ng ibang assignment, sumunod din siya at nanalo ngang best actress.
Matindi ang panalo ni Barbie. Siya lang ang nanalo ng award sa kanilang pelikula, bagamat iyong pelikula ay binigyan nga ng “special mention” ng mga hurado. Ibig sabihin may hitsura naman iyong pelikula kahit na nga hindi nakalaban nang husto sa mga nakasabay niya. At para talunin mo ang mga artista ng mga napili nilang mas magagandang pelikula, aba matindi talaga iyon.
Palagay namin, panahon na nga para mai-consider naman nilang bigyan na ng mga mas seryosong proyekto si Barbie. Ok pa rin naman siya sa mga cute role, pero sayang naman ang talents niya kung hindi magagamit nang husto, samantalang iyong ibang walang katalent-talent nagiging bida.
HATAWAN – Ed de Leon