Desisyon ni De Lima binatikos ng BAP off’l (‘Di makatao at hindi makatarungan)
Hataw News Team
March 9, 2016
News
MALUPIT, hindi makatao, at hindi makatarungan.
Ganito inilarawan ni Basketball Association of the Philippines (BAP) Secretary General Graham Chua Lim ang dating Justice Secretary at Liberal Party senatorial candidate Leila De Lima na siya umanong bumaliktad sa naunang desisyon ng Department of Justice (DOJ) pabor sa kanya, kaya siya nasa exile ngayon sa ibayong dagat kahit ipinanganak at lumaki siya sa Filipinas.
Inakusahan ni Lim si De Lima na nakipagkontsabahan sa kanyang mga kalaban sa industriya upang hindi siya makauwi sa bansa, matapos baliktarin ng dating justice secretary ang ruling ng DOJ noong Setyember 2010 na nagasabing siya ay “stateless” at maaaring bumalik sa bansa at maaaring payagang maging “permanent resident” sa Filipinas.
Ayon kay Lim, siya ay napilitang mag-exile noong inisyu ni De Lima ang Circular Number 058 na bumaliktad sa kanyang estado bilang “stateless person.” Ito rin umano ang dahilan kung bakit naideklarang ‘undesirable alien’ si Lim.
“Noong Oktubre 2012, ginawa ni De Lima ang Circular Number 058 at ipinatupad ito noong Mayo 15, 2013 laban sa akin upang baliktarin ang aking pagiging stateless person o walang nasyonalidad,” ayon sa paglalahad ni Lim.
Ang Circular ng DOJ, aniya, ay nagsasabing kailangan siyang ipa-deport dahil siya ay isang “undesirable alien.”
Giit ni Lim, hindi saklaw ng kapangyarihan ng DOJ Secretary ang pagbaliktad sa naunang desisyon ng Bureau of Immigration na nagdedeklarang siya ay “stateless person” at ang “prescribed period” para dito ay paso na umano dahil mahigit dalawang taon na umano ang lumipas bago inisyu ni De Lima ang nasabing Circular laban sa kanya.
“Ang Circular ni De Lima ay dapat na umiiral lamang sa mga kasong nangyari mula Oktubre 2012 at hindi ito dapat ipatupad sa mga taong naideklarang ‘stateless’ bago ang nasabing petsa. Nang tanggihan nila ang aking pag-uwi sa Filipinas, ginawa nilang ‘retroactive’ ang epekto ng Circular at hindi ito nararapat,” paliwanag niya.
Ayon sa sports patron hindi niya alam kung bakit siya pinag-iinitan ni De Lima.
“Hindi ko maintindihan kung bakit pag-aaksayahan ni De Lima ng panahon ang pagmamalupit at hindi makataong pagtrato sa akin sa pamamagitan nitong exile dahil karaniwang tao lang naman ako na nagnanais tulungang iangat ang kalagayan ng sports sa Filipinas,” daing ni Lim.
Masama na umano ang epekto ng panggigipit sa kanya at sa kanyang pamilya dahil tatlong taon na siyang hindi nakauuwi at hindi nakikita.
“Masyadong matagal na ang pagtitiis ng aking pamilya, na hirap-na-hirap na sa Filipinas habang ako ay naghihikahos din at malayo sa kanila. Malungkot ang malayo sa bansang itinuring kong sariling akin. Napilitan akong maging palaboy dito sa ibang bansa.”