Poe, pinaatras ng KMK; at Lim-Atienza nanguna sa Maynila
Almar Danguilan
March 8, 2016
Opinion
SENADOR Grace Poe, pinaaatras sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa 2016? Ha! Bakit naman?
Paano raw kasi, pusong ‘Kano pa rin ang ale kahit na nagpapakilalang isa siyang Pinay o dugong Filipino.
E sino ang nagpapa-withdraw sa ale?
Ayon sa mga napaulat, isang grupo ng kababaihan – ang Kapatiran ng Makabayang Kababaihan (KMK). Nito ngang Linggo ng umaga ay nilusob ng KMK ang isa sa headquarters (daw) nina Poe at Sen. Chiz Escudero, tumatakbong vice president, sa Quezon City.
Sa pangunguna ng lider nilang si Sally Valenzuela, kanilang ipinagsisigawan at nananawagan kay Poe na iatras na ang kanyang kandidatura sapagkat siya’y pusong Kano at ‘di daw pusong Pinoy.
Sa mga bitbit nilang plakard ay nakasaad dito na si Poe ay “little girl ni Uncle Sam.” Ibig sabihin ay tuta ng mga ‘Kano. Bukod sa akusasyong makikipagsabwatan lang daw sa Amerika. Hala! Totoo ba itong mga iniaakusa sa ale?
Hindi rin naniniwala ang grupo sa mga pangako ni Poe na magiging kasangga siya ng mahihirap sapagkat noon daw tumakbo ang kanyang amang si FPJ sa pagkapangulo ay hindi man lang daw nila ito nakita sa tabi ng kanyang tatay para ikampanya. Lalo nang ipaglaban nila ang nangyaring pandaraya kaya lumabas na natalo si FPJ.
Sabi ni Valenzuela, wala raw si Grace noong ipaglaban ang pagkapanalo ni FPJ at sa halip ay bumalik na sa Amerika. Gano’n ba?
Gayon man, marami nang beses na pinabulaanan ni Grace Poe ang mga ipinupukol sa kanya.
***
Lim at Atienza, nangunguna na daw sa Maynila.
Nakapagtataka pa ba iyon? Ang alin ba? Aysus! Ang… sina Alfredo L im at Ali Atienza ang manguna at nais ng mga Manilenyo na mamuno sa kanila.
Base kasi sa pinakahuling survey, ang dalawa ang nanguna o mananalo kung ngayon na gagawin ang halalan.
Batay sa pinakahuling survey na lumabas sa isang independent survey firm na kinomisyon ng United Nationalist Alliance na may petsang February 21-26, 2016 sa 4,800 respondents sa Maynila, si VP President Jejomar Binay ang nangunguna sa Presidential race na may nakuhang 40.2 %, pumangalawa si Grace Poe na nakakuha ng 34.0.
Sa magiging Mayor ng Maynila, nanguna si Mayor Alfredo Lim na nakakuha ng 42.0 %, pumangalawa si Bagatsing na may 35.6,%, at pangatlo si Joseph Estrada na 19.5, at undecided 2.9.
Samantala, ikinatuwa naman ng mga Manilenyo na sa survey sa Vice Mayor race. Nanguna si incumbent Councilor Ali Atienza bilang Vice Mayor na pumalo sa 58.8%. Napakalaki ng agwat para sa katunggaling si Cong. Atong Asilo (17.6%).
Habang pumangatlo si Honey Lacuna Pangan (12.4%) at panghuli si Tricia Bonoan (9.0%). Nananatiling 2.2% naman ang undecided kung sino ang kanilang iboboto.
First time sa history ng Maynila na ang lumabas na survey para sa isang Vice Mayor ay lubhang napakalaki at mas tumaas pa sa inaasahang porsiyento para sa lokal na posisyon.
Hindi na nakapagtataka ang pangunguna ni Ali dahil ang ama niyang si Buhay Party-list Representative Lito Atienza ay nanguna rin sa survey noon at nanalo sa aktuwal na halalan. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit nangunguna nang malayong puntos si Ali laban sa kanyang mga katunggali.