TOTOO nga ba na tinatalo na ng team nina James Reid at Nadine Lustre iyong love team nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo?
Naririnig namin ang mga ganyang usapan ngayon dahil mukhang mas binigyan daw ng magandang ending ang serye niyong JaDine, na nagkaroon pa ng isang concert sa Araneta, kaysa naging pagtatapos ng serye niyong KathNiel na natapos ng ganoon na lang. May masama pang tsismis, kasi iyon daw serye ng Kathniel, “kinapos” bago natapos.
Ngayon, wala pang balita kung ano ang gagawin ng KathNiel, pero matunog na iyong JaDine ang nakatanggap ng isang prime assignment. Usap-usapan na sa kanila yata mapupunta iyong Darna, na itinuturing na isang prime assignment talaga.
Tahimik naman iyong kampo ng KathNiel, dahil mukhang busy sila sa ibang activity, na sinasabi ng mga observer na siyang nakaapekto sa kanilang popularidad.
Usap-usapan nga, maski na iyong Bench na noong araw ay sinasabing teritoryo na ni Daniel habang si James ay nasa isang mas maliit na kompanya, napasok na rin ng JaDine ngayon, at walang dudang kinuha sila dahil sa kanilang popularidad.
Mukhang mas tumitindi nga ang labanan ng dalawang love teams, pero malalaman talaga natin ang kalalabasan niyan base sa susunod nilang assignments.
Direk Wenn, binigyan ng full honors ng Kapamilya Network
MASASABI ngang full honors ang ibinigay ng ABS-CBN sa box office director na si Wenn Deramas hanggang sa siya ay mailibing kahapon. Todo ang coverage simula nang dalhin siya sa ABS-CBN studios hanggang sa naging necrological service kinagabihan at hanggang sa ialis siya kinabukasan.
Ewan kung nagkakamali kami, pero sa natatandaan namin, si direk Wenn lang ang binigyan nila ng ganyang honors, maliban kay Don Geni Lopez at kay Mang Dolphy. Ibig sabihin niyan, ganoon kahalaga ang pagtingin ng network sa kanya. Hindi naman dapat pagtakhan iyon dahil noong nakaraang festival lamang, ang ginawa niyang pelikula ay nag-akyat sa kanila ng mahigit na P500-M. May nagsabi pa ngang kung iisipin mo, bale wala iyon. Dapat nga raw sinagot pa nila ang P1.3-M kabaong ni direk Wenn, pero ano naman ang malay ninyo kung ano pa ang ibang ibinigay na tulong ng network?
At least naipakita nila ang kanilang pagpapahalaga sa isang taong nakagawa rin ng malaki para sa kanilang kompanya. Pero napalaki talaga ng agwat niyong sikat at nakapag-aakyat ng malaking kita sa kompanya kaysa karaniwang tao. May iba rin namang personalities na yumao habang sila ay nariyan na hindi nabigyan ng ganyang karangalan. Pero ganoon talaga ang buhay eh.
Kung iisipin mo, ganoon din naman sa kabila. Mabuti nga at binigyan din nila ng ganoong parangal si Kuya Germs Moreno nang yumao iyon. Hindi lang naman nakapagsampa ng milyon si Kuya Germs sa kanilang kompanya kundi naging loyal siya hanggang sa kamatayan. Si Kuya Germs lang ang unang binigyan ng ganoong parangal ng GMA, na ibinurol sa kanilang studio at binigyan ng honors.
Pero sabi nga nila, ano mang klaseng honors ang ibigay mo sa isang yumao na, bale wala na iyon. Mas dapat sana na binibigyan ng pagpapahalaga ang mga tao habang sila ay nabubuhay pa.
HATAWAN – Ed de Leon