NAPILI bilang isa sa mga finalist ang Rated K ni Korina Sanchez-Roxas sa prestihiyosong New York Festivals World’s Best TV & Films sa Biography/Profiles Category nito para sa espesyal na report ni Koring ukol kayRochelle Pondare.
Si Rochelle ay isang batang may Progreria—isang rare na karamdaman na mabilis ang manipestasyon ng pagtanda sa murang edad ng mga bata. Tubong Bulacan si Rochelle at siya ang kaisa-isang pasyente na buhay na may Progeria sa Pilipinas na umabot ng 15 taong gulang.
Ayon sa mga pag-aaral, maaaring mabuhay ang isang taong may Progeria ng 12 hanggang 15 taon. Halos 144 taon na ang tanda ng katawan ni Rochelle ngunit siya ay masiglang-masigla at mayroon din siyang nobyo.
Isa sa mga pangarap ni Rochelle ay magkaroon ng bahay at lupa para sa kanyang sarili at sa kanyang ina at ito ay kanyang nakamit sa tulong ng Rated K.
“Ito naman talaga ang dahilan kung bakit namin pinag-iigihan ang bawat episode ng ‘Rated K’,” kuwento ng misis ni Mar Roxas. ”Nais naming bigyan ng pag-asa ang bawat Filipino sa pamamagitan ng mga ekstraordinaryong istorya ng mga ordinaryong Filipino. Ang mga katulad ni Rochelle ang nagsisilbing inspirasyon sa amin na ipagpatuloy at pagbutihan pa ang aming trabaho.”
Nagwagi rin kamakailan ang Rated K bilang Best Magazine Show at si Korina bilang Best Magazine Show Host sa katatapos na PMPC Star Awards For TV at isa rin ang Rated K sa mga Top 10 most watched TV shows sa buong bansa ayon sa pinaka-latest national survey na ginawa ng Kantar Media.