PANAHON pa naman ngayon ng Kuwaresma, na para sa maraming mga Filipino Katoliko ay patungo sa kanilang pag-alaala sa mga Mahal na Araw. Pero Roon sa concert ng material girl na si Madonna, makikita mo sa isang number na ipinagwawagwagan ang krus na simbolo ng pananampalatayang Kristiyano. Hindi kami magtataka na nagpapalakpakan ang mga nanonood kung sana iyan ay nasa isang komunidad na Muslim, pero hindi eh. Karamihan ng mga nanood sa kanya ay sinasabing mga Kristiyano, at mga Katoliko pa marahil.
Nalulungkot din kami bilang isang Filipino, na sa kanyang finale ay lumabas siyang nakabalabal sa simula pero nang lumaon ay ipinagwagwagan din ang bandera ng Pilipinas. Naalala nga namin, may mga batang sinuspinde sa kanilang eskuwelahan, hindi lang daw kasi sila maidemanda at maipakulong dahil sila ay menor de edad, dahil sa paglalaro sa bandera. Eh itong si Madonna ganoon din ang ginawa at pinalakpakan pa ng mga Filipino.
Nasaan na ang ating values?
Isang bagay lang ang ikinatutuwa namin, iyon ay ang katotohanang marami sa mga nagbabasa ng column naming ito sa Hataw, o masasabi siguro natin na lahat ng nagbabasa ng column na ito ay hindi nanood ng concert ni Madonna. Hindi sila iyong nagtapon ng kanilang kinitang pera para sa ganyang klase lamang ng concert na labag hindi lamang sa mga turo ng pananampalataya kundi sa paggalang din sa bansa.
Kung iisipin mo, ang mga organizer ng concert na iyan ay may pananagutan din, dahil pinabayaan nila ang wala sa ayos na ginawa ni Madonna, lalo na ang paglalaro nga ng bandila na labag sa ating mga batas. Bakit hindi na lang ang bandera ng US o UK ang kanyang ibinalabal at ipinagwagwagan?
Ewan pero mali iyan, at mali ang mga pumapalakpak sa ginawa niyang iyan.
HATAWAN – Ed de Leon