Resolusyon sa kaso ng media killings pinamamadali
Robert B. Roque, Jr.
March 1, 2016
Opinion
UMAPELA ang Palasyo sa hudikatura na madaliin umano ang pagbibigay ng resolusyon sa mga kaso ng media killings sa bansa.
Ito ay bunga ng pinakahuling pamamaslang sa miyembro ng media na si Elvis Ordaniza, isang journalist sa Zamboanga del Sur na binaril nang dalawang ulit sa dibdib sa labas ng kanyang tahanan sa Purok Bagong Silang, Barangay Poblacion, Pitogo.
Si Ordaniza ay field reporter at radio commentator ng Power 99.9 Radyo Bisdak sa Pagadian City. Kilala siya sa pagbanat laban sa pamamayagpag ng bawal na droga at ilegal na sugal. Ang hinala ng pulisya ang naturang mga komentaryo ang dahilan kaya siya pinaslang.
Paano maaasahang mamadaliin ang resolusyon sa media killings kung ang karamihan sa mga kaso ay hindi matukoy kung sino ang may sala at patuloy na nakabinbin ang pagsisiyasat?
Kasama sa talaan ng mga pinaslang na taga-media noong 2015 ay sina Nerlita Ledesma, Maurito Lim, Mei Magsino, Cosme Maestrado, Teodoro Escanilla, Gregorio Ybañez at Jose Bernardo.
Ang masaklap na katotohanan, kadalasang naisasama na lang ang pangalan ng taga-media sa talaan ng krimen na hindi nalutas.
Bukod kay Ordaniza, ilan pa kaya ang nanganganib na madagdag sa talaang ito ngayong 2016? Iyan ang peligro na kaakibat ng pagiging miyembro ng media.
Maaalalang ang pinakagrabeng kaso ng pamamaslang sa hanay ng mga mamamahayag ay naganap sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009, na 58 katao, kabilang ang mahigit 30 taga-media, ang tinambangan.
Hanggang ngayon, ang hustisya para sa mga kaanak ng mga biktima ay mailap pa rin at hindi nila makita-kita.
Ngayon ay pinabibilisan ni President Aquino ang resolusyon sa media killings.
Pero ayon sa opisyal ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office, kapag ang kaso ay nakarating sa korte ay nakatali na ang kamay ng executive department.
Dahil mabagal daw ang proseso at independiente ang korte ay walang magagawa ang pamahalaan.
Ano ang tulong na puwedeng asahan ng mga mamamahayag sa gobyerno kaugnay ng media killings kung wala naman silang nahuhuli o napananagot sa mga utak ng naturang mga pamamaslang?
Nagbitiw ng pangako noon si PNoy na lulutasin ang media killings. Ilang buwan na lang ang natitira sa kanyang panunungkulan kaya mahirap nang asahang matutupad ito. At sa harap ng sambayanan ay mananatiling bigo ang kanyang gobyerno sa pagresolba sa pamamaslang ng mga taga-media.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View