NANG matanong si Anne Curtis na isang certified Madonna fan, noong magkaroon sila ng press conference para sa I Love OPM, sinabi niyang wala siyang nakikitang mali sa ginawang paggamit ni Madonna ng Philippine flag sa kanyang concert. Sa paningin ni Anne, na isang Madonna fan nga, ang ginawa ng singer ay pagpapakita pa ng pagmamahal sa Pilipinas dahil sa pagwawagayway ng bandera sa kanyang finale number.
Kasi nga ginagawa naman daw iyon ni Madonna saan man siya magpunta. May mga nagsasabing ganyan din ang ginawa niya sa Hongkong at sa Canada.
Kasi hindi naman aware si Anne na sa Pilipinas ay may isang batas na nagtatakdang ang bandera ng bansa ay hindi maaaring gamiting costume o alinmang bahagi niyon. Ibig sabihin, hindi maaaring gamiting damit o kahit na balabal lang. Ang bandera ng Pilipinas ayon sa batas, ay maaaring iwagayway subali’t hindi pinahihintulutang sumayad sa lupa o sa flooring.
Sasabihin ng iba, OA naman ang batas na iyan. Maaaring ganoon nga ang masasabi ng iba subali’t para sa mga Filipino, napakahalaga ng bandera natin talaga dahil pawis at dugo ang naging puhunan ng ating mga ninuno riyan. Unless hindi na natin pinahahalagahan ang ating nakaraan.
Iyong iba hindi naman ganyan eh. Makakikita nga tayo ng bandera ng US at UK na ginagawang display sa mga wall. May naglalagay pa sa T-shirts. Pero sa Pilipinas ay labag iyan sa batas. May nagsasabi nga, bakit hindi nila mapigilan ang mga gumagawa ng mga sportswear na ginagawa ring jacket ang bandera ng Pilipinas? Marami talagang karugtong na tanong iyan eh.
Kami naman ang tingin namin diyan sa National Historical Commission of the Philippines, nag-iingay lang basta ganyan. Wala pa naman kaming narinig na naparusahan sa mga gumagawa ng ganyan o sa mga umaawit ng Lupang Hinirang ng hindi tama. Ngayon lang mahal na araw, tingnan ninyo kung hindi may magbabasa ng pasyon na ang tono ay Bayang Magiliw.
I Love OPM, pinakamagandang show ng ABS-CBN!
PERO iyong I Love OPM, nagustuhan namin ang concept. Inaamin namin, hindi namin napanood iyong unang telecast niyan. Pero may isang kaibigan kaming tumawag agad at nagkuwento sa amin tungkol doon kaya pinanood namin kinabukasan.
Mga foreigner iyan na nagko-contest sa pagkanta ng original Filipino music. SiAnne Curtis nga ang host at tinatawag na “himigration officers” ang mga judge na sina Martin Nievera, Lani Misalucha, at Toni Gonzaga.
Nagustuhan namin iyong idea na iyang mga dayuhan ay kumakanta ng mga awiting Filipino. Sana naman mapahiya na ang mga Filipino na walang ginagawa kundi mga cover version ng mga kantang dayuhan. At ang nakatutuwa pa ha, hindi raw puwede kahit na OPM kung Ingles, kailangan Tagalog talaga. Nabigla rin kami, dahil maliban doon sa grupo ng mga Koreano, lahat iyong iba, pati na iyong Russian, marunong magsalita ng Tagalog. Mayroon pang marunong mag-Bisaya.
Iyang mga ganyang bagay nakatutuwa, at sinasabi namin, sa lahat yata ng contest diyan sa ABS-CBN iyan lang I Love OPM ang tiyak lagi naming panonoorin. Kasi iyan ay isang show na nagbibigay pagpapahalaga sa mga Filipino.
Ganyan ang dapat nating ginagawa, hindi iyong ang mga Pinoy pilit na ginagaya ang kanta ng mga dayuhan. Iyong kanta naman ng mga dayuhan ang lyrics ay malayo sa ating cultural values. Hindi tayo makaka-identify doon.
HATAWAN – Ed de Leon